Mag-inang multo sa mall

0 578

Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo nakakita na ba kayo ng mga gumagalang multo sa mall? Hindi mo sila agad mapapansin dahil sa dami ng tao na nag­lalakad sa iba’t ibang direksyon.

‘Yan ang ating mis­yon: “Basta may Misteryo, Alamin natin ang Totoo!”
Si Gwen ay emple­yada ng isang beauty shop sa isang sikat na mall sa Pasay at naikuwento niya sa #TeamMisteryo ang mag-inang multo sa kanyang pinapasukan.

Isang araw na ginabi siya sa kanilang shop ay kailangan muna niyang magpaiwan para sa imbentaryo ng kanilang produkto.

Nagkakwentuhan pa sila ng kasama niyang si Michelle, masaya ang kanilang kuwentuhan habang abala sa imbentaryo, hanggang sa mas maagang natapos ang huli at nagpaalam nang umuwi.

Biniro pa siya ni Michelle: “Uwi na ako ha, magpatulong ka kay ateng multo para matapos mo na ‘yan.”

Gwen: “Loka ka ‘wag mo ko takutin at alam niyang takot ako kaya hindi siya magpapakita, ha ha ha.”

Narinig pa ni Gwen ang mga yabag palabas ng shop ni Michelle at maging ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Tahimik na ang pali­gid sa loob ng shop nang may narinig siyang tumatakbo sa loob ng shop na lubos niyang ipinagtaka at lumangitngit ang pinto na parang may luma­bas.

Biglang napaisip si Gwen: “Paanong nga­yon lang lumabas si Michelle eh kanina pa siya nagpaalam sa akin?” Inisip niyang si Michelle ang tumakbo palabas pero nagduda siya dahil kung siya ‘yun ay dapat binati siya nito.
Pabulong na sinabi ni Gwen sa sarili: “Hmmm…guni-guni ko lang ‘yun lalu na inaantok na ako.”

Maya-maya may tila yabag siyang narinig at dahan-dahan ang pag­lapit sa kanya. “Sino ‘yan? Sarado na po kami, imbentaryo na lang po ito…sorry po.”

Pilit na inisip ni Gwen na mga customer ang gusto pa ring pumasok ng shop pero may kilabot siyang naramdaman. Sag­lit na tumigil sa kanyang gawain si Gwen nang marinig na sa likod niya tumigil ang yabag.

Nag-isip muna si Gwen kung bigla ba niyang lilingunin para gulatin kung si Michelle ‘yun o dahan-dahan dahil nakaramdam na siya ng takot. Pero tila inunahan siya ng multo at sa gilid ng kanyang mata sa ga­wing baba ay may nakita siyang paa…maputik na paa…pagtingin niya pataas ay nakita niya ang nakayuko na babaeng nakaputi at nakalugay ang buhok.

Biglang tumayo at sumigaw si Gwen pero siya lang ang nasa loob ng shop, tumakbo siya palabas tiyempong may para­ting na guwardiya.

“Miss, bakit ka nagtatakbo at sumi­sigaw?” nagtatakang tanong ng guwardiya kay Gwen.

“Sir, may multo po, may babae sa shop.” Nanginginig na tugon ni Gwen.
Para mawala ang takot ni Gwen ay sandali siyang sinama­han ng guwardiya hanggang sa nagmamadali na siyang umuwi.

Mula noon ay nasanay na si Gwen sa multo at may kasama pa itong bata na umano’y anak niya. May pagkakataon din aniyang ginagaya ng multo ang mukha ng mga kasamahan niya sa shop ngunit dahil sanay na siya ay wala na siyang takot sa mag-inang multo.

Para sa inyong mga nakakatakot na kuwentong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Alamin natin, tuklasin at ipaliwanag natin ang Misteryo. Bisi­tahin ang website ng Abante, Tonite at www.reytsiba­yan.com.

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...