Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mag-ina natusta sa palengke

0 130

Naabo ang isang nanay at anak nito nang hindi makalabas sa kasagsagan ng sunog sa isang palengke sa Gen. Trias City, Cavite, Lunes ng gabi.

Kinilala ang mag-ina na si Rohayni Lumodag, 31, tubong Lanao Del Sur at Raodina Abdullah, 1 taon at 11 buwan, kapwa residente ng Metropolis Subdivision, Brgy Manggahan, General Trias.

Sa ulat ni PSSgt Ernesto Angue Jr. ng General Trias City Police, alas-6 ng gabi nang masunog ang GenStar Wet and Dry Market sa naturang lungsod.

Nagsimula ang sunog sa Berlin Music Lounge and KTV at mabilis na nilamon ng apoy ang mga light material sa loob na umabot sa katabing palengke, kaya idineklara ang 1st alarm alas-6:30 ng gabi.

Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero ngunit umabot pa sa ika-apat na alarma ang sunog, dahilan kaya umabot sa 23 fire truck ang rumesponde sa lugar.

Nabatid na hindi makalabas sa palengke ang mag-ina nang mahirapan silang makahinga dahil sa usok hanggang sa masunog ang kanilang katawan.

Dakong alas-8:32 ng gabi nang ianunsyong naapula na ang sunog na umabot sa mahigit dalawang oras.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung magkano ang kabuuang pinsala sa nangyaring sunog. (Gene Adsuara/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.