Una sa Balita

Mag-bff kulong sa cellphone

By
0 18

Kulungan ang bagsak ng dalawang magkaibigang matalik matapos ipakulong ng kanilang isa pang kaibigan makaraang nakawin ang cellphone nito kamakalawa sa Marikina City.

Nahaharap sa kasong theft sina Sonny Belleza y Acena at Jomari Julao y Jacinto, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Marikina City matapos magsampa ng reklamo sa pulisya si Jason Zapanta, empleyado, at residente din ng nasabing siyudad.

Batay sa report, masayang nag-iinuman ang tatlong magbi-BFF (best friends forever) sa Fernando St., San Diego Compound, Malanday, Marikina City, subalit bandang alas-kuwatro kamakalawa ng mada­ling-araw habang papatapos na ang kanilang kasiyahan ay napansin ni Zapanta na nawawala ang kanyang Oppo cellphone.

Sa pag-aakalang nawaglit lamang ito at kung saan lamang niya nailagay ay hindi umano niya ito pinansin at masaya muling nakipagkuwentuhan sa mga kaibi­gang sina Belleza at Julao.

Makalipas ang ilang oras ay napansin na niyang iba na ang ikinikilos ng dalawang kaibi­gan na parang may itinatago at dito ay naisip niya ang kanyang cellphone na nawawala.

Kinompronta umano niya ang dalawang BFF at pinilit na ilabas ang kanyang cellphone.

Nauwi sa pagtatalo at away ang komprontasyon hanggang sa makita niya sa gamit ng mga ito ang nawawalang cellphone.

Nagpasya si Zapanta na ireklamo ang dala­wang suspek at kinalimutan na ang kanilang pagiging magkakaibigan.