Mag-asawang ex-rebels, ‘pinatahimik’

By

Pinaniniwalaang ­pinatay ng mga datin­g mga kasamahan ang mag-asawang dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno matapos silang pagbabarilin kahapon ng umaga sa Pioduran sa lalawigan ng Albay.

Kinilala ang mga pinatay na biktima na sina Salvacion De Luna, 40, empleyado ng Pioduran Local Government Unit (LGU) at asawang si Bernal Nogot, 50, door to door driver at parehong dating mga rebelde at kapwa residente ng Barangay Maonon, Ligao City, Albay.

Base sa ulat na nakara­ting sa Police Regional Office (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola mula sa Pio­duran Municipal Police Station (MPS), dakong alas-7:45 ng umaga nang makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen ang pulisya hinggil sa pamamaslang sa Sitio Cagnalog Barangay La Purisima ng nabatid na bayan.

Nauna dito, base sa salaysay ng mga residente ng lugar, dumating ang isang grupo ng armadong kalalakihan sa Barangay La Purisima umaga kasama ang mag-asa­wang biktima at walang awang pinagbabaril ang mga ito at nang masigurong wal­a ng buhay ay iniwan na lang doon ang mga bangkay­.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dinukot ang mag-asawa ng mga suspek mula sa kanilang bahay sa Ligao City saka dinala sa Barangay La Purisima at doon pinatay.

Pinaniniwalaang mga dating kasamahang rebel­de ng mga biktima ang pumatay sa mga ito matapos na magbalik loob sa gobyerno ang dalawang nasawi.

SHARE