Una sa Balita

Mag-asawa, 1 pa inararo ng jeep

0 210

SUGATAN ang tatlong katao, kabilang ang mag-asawa at nasira ang gate ng isang bahay at bahagi ng dalawang sasakyan nang araruhin ng isang la-sing na jeepney driver sa Bacoor City, Cavite.

Isinugod sa pagamutan ang mag-asawang Marvin Palermo, 36-anyos, at Joan, kapwa residente ng Brgy. Molino 1 gayundin si Jhonvic Cabocha, 21, ng Brgy. San Nicolas 3, dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan.

Damay din sa insidente ang gate ng isang residente, isang motor, isang Isuzu Sports Vehicle at Toyota Vios.

Naaresto naman at kasalukuyang nakakulong ngayon sa Bacooor City Custodial Center ang driver ng isang jeepney na may plakang DWE 732 na minamaneho ni Michael Camelon, 43, ng Summerpoint Subdivision Brgy. Pasong Buaya 2, Imus City, Cavite.

Sa ulat ni P/SSgt. Roy Vincent Reyes ng Bacoor City Police Station, dakong alas-nuebe kamakalawa nang gabi nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Molino Road.

Binabagtas ng mag-asawang Palermo ang nasabing lugar nang araruhin ng jeepney ni Camelon. Una nitong natumbok ang motorsiklong sinasakyan ng mag-asawang kasunod ang dalawang sasakyan at ang isa pang motor.

Dahil sa aksidente, nasagi rin nito ang tumatawid na si Cobacha at natumbok din nito ang gate ng isang bahay.

Lumalabas na lasing ang driver ng jeepney matapos na nagpositibo ito matapos dalhin sa ospital para sa alcohol breath test.

Kasong Reckless imprudence resul-ting in damage to property and physical injuries, abandonment of one’s victim at paglabag sa RA 10586 o pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alkohol ang kinakaharap ni Camelon. (Gene Adsuara)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy