Una sa Balita

Mag-adopt ng LGU

By
0 480
Ang kasalukuyang krisis sa Albay ay mu­ling magpapamalas ng pagkakaisa at pagbabayanihan ng sambayanang Filipino. Ang pag-uugnayan ng mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay napakahalaga upang maisagawa ang maayos na crisis management sa Albay. 
 
Sa sunod-sunod na pagputok ng Bulkang Mayon, ating idalangin ang patuloy na pagbuhos ng tulong para sa mga napinsala nito upang sila ay magkaroon ng kalakasan na harapin ang bawat pagsubok, kasama ng pamahalaang handang magbigay ng ginhawa at proteksyon para sa kanila.
 
Ang aking pagkatalaga bilang Overall Ma­yon Crisis Manager ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay isang mabigat na gampanin ngunit ito ay isa ring malaking oportunidad upang isaayos at pagsama-samahin ang lahat ng tulong mula sa ating mga lokal at pribadong ahensiya para sa mga kababayan na­ting Albayano.
 
Ang mga relief goods, medical assistance at psychosocial interventions ay tunay na kapaki-pakinabang para sa mga evacuees, subalit kinakailangan rin ng lokal na pamahalaan ng Albay ng mas pang-matagalang tulong.
 
Ang konseptong a­ming iminumungkahi ay ang proyektong “Adopt a Municipality”.  Ito ay isa sa mga paunang hakbangin upang mas lalong mapabilis ang pagdala ng tulong at suporta sa mga apektadong local government unit (LGU) ng Albay.
 
Tuntunin ng proyektong ito na maisulong ang inter-LGU cooperation sa mga panahon ng kalamidad, gayundin ang pangmatagalang impact sa ikasasaayos ng buhay ng mga residente ng mga adopted municipality sa pamamagitan ng mga gagawing programa at proyekto na magpapatuloy kahit pa tapos na ang sakuna.
 
Katulad ng mga nauna nang kahalintulad na proyekto, ang mas naka-uunlad na mga siyudad ay hiningan ng tulong upang pormal na mag-adopt ng apek­tadong bayan sa Albay na kanilang gagabayan sa gitna ng krisis dala ng Bulkang Mayon. Bilang halimbawa, ang City of Tagaytay ang nag-adopt sa bayan ng Guinobatan.
 
Ang pamahalaan ng siyudad na ito ay nagpadala ng bigas at malinis na tubig sa mga evacuation center ng nasabing munisipalidad. Ang kanilang team ay nakapagtayo rin ng labing-isang (11) permanenteng unit ng palikuran at common kit­chens na magagamit ng mga evacuee. Ang mga permanenteng istrukturang ito ay magagamit ng mga residente ng Guinobatan makalipas man ang kalamidad. Ang mga iba pang siyudad sa Metro Manila na nakapangakong magbigay ng pang-matagalang suporta at tulong ay ang Muntinlupa City para sa bayan ng Daraga; ang Caloocan City para sa mga munisipalidad ng Malilipot at Tabaco; ang Quezon City para mga bayan ng Bacacay at Ligao; at ang Parañaque City para sa munisipalidad ng Camalig.
 
Tunay ngang napakahalaga sa pagsasagawa ng crisis management ang pagkakaroon ng maayos na koordinasyon mula sa lahat ng mga nais magbigay ng tulong. Ang kooperasyon at pagkakaisa mula sa mga concerned agencies ay tunay na kailangan upang maramdaman ng mga apektado nating kababayan ang tulong at serbisyo mula sa pambansang pamahalaan.
 
Aking hinihiling sa sambayanang Filipino na patuloy na ipagdasal ang kaligatasan at ka­ginhawahan ng probinsya ng Albay mula sa pagsubok na dala ng Bulkang Mayon.