Una sa Balita

Maestro sa sipaan, dangal ng bansa

0 248

Kung may isa sa mga pinakakilalang taekwondo artist dito sa Pilipinas bukod kay Monsour del Rosario, ‘yan na siguro ay si John Paul Lizardo o mas kilala bilang Japoy Lizardo.

Unang sumabak sa mundo ng taekwondo si Lizardo noong 11 taong gulang pa lamang siya at makalipas lang ng isang taon ay nasikwat na nito ang kanyang black at sa edad na 12 ay bahagi na si Japoy ng Philippine Black Contingent.

Matapos lamang ng dalawang taon ay naging bahagi na ng Philippine Junior team si Japoy at lumaban na rin ito sa iba’t ibang kumpetisyon sa ibang bansa gaya ng Korean Open at Asian Junior Championship.

Taong 2001 nang unang masikwat ni Japoy ang kanyang unang silver medal sa 2001 Asian Junior Taekwondo sa men’s finweight at sa edad ng 18 ay naging bahagi na siya ng senior national team.

Sa unang pagsabak niya sa seniors division, ay agad na nagpakilala sa naturang larangan at nakasikwat agad ng tatlong medalya – dalawang silver at isang bronze – sa senior stage ng Asian Taekwondo Championships at noong 2007 at 2009 ay nakatungtong rin sa World Taekwondo Championships si Japoy.

Dinomina rin ni Japoy ang Southeast Asian (SEA) Games kung saan dalawang gold medal ang kanyang nasipa mula sa 2005 Manila SEA Games at 2011 Indonesia SEA Games at silver naman noong 2009 Vientiane SEA Games.

Bukod sa pagiging taekwondo artist, naging matunog din ang pangalan ni Lizardo sa entertainment industry dahil na rin sa kabi-kabila nitong endorsements at TV guesting na lalo pang nagpaingay at nagpainit sa kanyang pangalan.

Kumalas siya bilang miyembro ng Philippine men’s taekwondo team noong 2015 dahil na rin sa leg injury na kanyang ininda at sa kasalukuyan siya ang tumata­yong coach ng Philippine national taekwondo team.

 

Buhay pag-ibig ni ‘Japoy’ makulay

Matapos ang matagumpay na buhay bilang atleta, nga­yon ay masaya ang pribadong buhay ni Japoy kasama ang kanyang mestisang misis na si Janice Lagman – Lizardo at anak nilang si Jace Alonzo Lizardo.

Marami ang nagulat na ang sikat na taekwondo artist­ at endorser na si Japoy ay may pamil­ya na at kuwento sa Abante ni Lizardo, taekwondo ang naging daan para magka­kilala sila ng kanyang asawa.

“Nagkakilala kami dahil sa taekwondo. High school pa lang magkakilala na kami pero mas nakilalala namin ang isa’t isa nun nag-National Team kami,” wika ni Japoy.

Mas naging malapit daw sila sa isa’t isa dahil madalas silang magkasama lalo na’t kapag lumalaban sa ibang bansa.

“Dun pa namin lalong nakilala ang isa’t isa hanggang sa naging mag-boyfriend at girlfriend kami. Sabi ko sa sarili ko na siya talaga yung gusto kong makasama habambuhay,” pagtatapos nito.