Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Madaling magsalita, nasaan ang gawa?

0 1,091

Mainit itong usapin ng paghahatid ng mga serbisyo na ginagamitan ng internet o “digital solutions” kung tawagin. Sa wakas, nabibigyan na ng atensyon ito, parang ang usong-usong milk tea, tiktok, at faceapp.

Napakalaking ginhawa ang dulot ng paggamit ng internet sa mga pangkaraniwang mga serbisyo, kagaya na lamang ang pamimili ng grocery. Ngayon, posible nang magawa ito ng hindi ka umaalis sa iyong bahay, basta may internet ka. Ikumpara mo ito sa katumbas na lumang pamamaraan. Gugugul ka ng oras sa paghahanda sa sarili mo, pag-biyahe papunta sa tindahan, pamimili, at pag-biyahe muli pauwi. Kapag kinuwenta mo, ang halaga ng mga ito ay sapat na upang tumbasan ang sinisingil na delivery fee, maginhawa ka pa sa bahay na nagpapahinga o gumagawa ng ibang bagay.

Isipin mo na lamang ang napakalaking benepisyo nito sa ibang mga serbisyo, kagaya ng pag-rehistro, pag-renew at pagbabayad ng kung ano-anong mga lisensya at permit sa pamahalaan. Ang unang mawawala kapag ganyan ay ang mga fixer. Mababawasan ng malaki ang pagkakataon para sa korupsyon.

Malaki rin ang mga posibilidad nito sa larangan ng pampublikong kalusugan. Ngayong may pandemya, hindi matatawaran ang pakinabang ng internet sa pagpapalaganap ng mga impormasyon na kinakailangan ng mga tao, kasali na rito ang pagpapabatid ng mga regulasyon ng pamahalaan. Nakakalungkot nga lamang na hindi natin nagamit ito ng lubusan sa pagtatala at pagsasa-ayos ng distribusyon ng ayuda. Isipin ninyo kung maganda ang rehistrasyon ng mga tao, naging madali sana ito at bawas ng malaki ang isyu ng korupsyon.

SM food to go Banner Ad

Ang isa pang malaking isyu ngayon ay ang paggamit ng internet para edukasyon. Bagama’t maganda ang hinaharap ng ganitong pamamaraan, marami ring mga suliraning bumabalot dito. Una na dito ang kasanayan ng mga kasali—ang mga guro, mag-aaral, pati na rin ang mga magulang. Nguni’t sa ganang akin, ito ay natural lamang at panandalian. Maging ang mga kagamitan para dito—kagaya ng tablet, at iba pa—ay maaring gawaan ng paraan sa madaling panahon.

Ang problema talaga ay ang pagkakaroon ng maayos na koneksyon sa internet. Una, sadyang napaka-bagal ang ating internet kung ihahalintulad sa ating mga karatig-bansa. Pangalawa, ang pagkakaroon nito ay nananatiling wala sa kakayahan ng marami, dahil sa halaga nito. Mataas ang singil ng mga kumpanya dahil mataas din ang gastusin nila. At ang sanhi ay ang pamahalaan rin dahil sa kanilang mga regulasyon.

Nguni’t, kapag ganito ang kondisyon, ang internet ay hindi lang nagiging malaking balakid sa oportunidad ng nakakarami nating mga kababayan sa pag-asang umasenso, nagiging dahilan pa ito para higit silang malamangan ng mga may-kaya.

Kaysa nauubos ang oras sa pagtatanggol sa mga kapalpakan ni Duque, bakit hindi ipag-utos ng pamahalaan na ayusin ang sitwasyon sa internet ng mabilisan? Hindi pwedeng puro satsat lang. Obligasyon ng pamahalaan na pagpursigihan ang pagsasa-ayos at pagpapa-mura nito. Madaling magsalita ng kung ano-anong plano. Nasaan ang gawa?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.