Una sa Balita

Macalintal: Bumoto sa husay, ‘wag sa itsura

0 528

Hinikayat ng kandidato ng Otso Diretso na si Atty. Romy ‘MacaRomy’ Macalintal ang mga botante na huwag lamang tumingin sa panlabas na anyo ng mga tumatakbo sa Senado dahil karamihan sa kanila ay puro pangako lang ang dala para sa bayan.

Mas mainam na may kakayahan ang mga ihahalal sa Senado kaysa iyong may itsura lamang, ani MacaRomy sa isang senatorial forum noong Lunes, kung saan kabilang ang iba pang kandidato ng Otso Diretso.

“Hindi boto lang kayo nang boto. Nakita ninyo lang na magandang la­laki, iboboto ninyo na. Kami naman sa Otso Diretso, magandang lalaki at marunong pa,” pabiro pang sinabi ni MacaRomy, isang beteranong election lawyer.
Binanatan din ni MacaRomy ang mga kandidato na bago pa man ang campaign period noong Pebrero ay tahasan nang nanga­ngampanya gamit ang pera ng gobyerno.

“‘Wag na ‘wag ka­yong maniniwala diyan. Napakalaki ng ginagastos pero babawiin nila ang mga ginastos nilang iyan sa bayan,” ani niya.

Iminungkahi rin ni MacaRomy na dapat sa hayskul pa lang ay itinuturo na sa kabataan ang Right to Suffrage upang maipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng pagboto ng mga nararapat upang mamuno sa bansa.

Diin pa niya, dapat itatak sa isip ng mga Pilipino na ang kanilang pagboto ay hindi lang para sa sarili, kundi alang-alang rin sa mga miyembro ng lipunan na mahihirap, sa mga hindi marunong magbasa at magsulat, pati na rin sa mga bata at sa kanilang kinabukasan.

Pinakiusap rin ni MacaRomy sa mga botante na pangala­gaang mabuti ang kanilang mga boto dahil dito nakasalalay ang kapakanan ng mga Pilipino sa darating na panahon.

Bukay kay MacaRomy, kabilang din sa Otso Diretso slate sina Senator Bam Aquino at Magdalo Congressman Gary Alejano; ang mga nagbabalik na lingkod-bayan na sina dating senador Mar Roxas at dating congressman Erin Tañada; at ang mga bago ring sasabak sa politika: ang dating Solicitor General na si Florin Hilbay, ang iginagalang na human rights lawyer na si Chel Diokno, at dating ARMM assemblywoman na si Samira Gutoc.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More