Una sa Balita

Mabuhay kayo!

By
0 438

NAPAKASU­WERTE ng mga atletang Pinoy na nanalo ng gintong medalya sa nakaraang Asian Games sa Indonesia. Milyon-milyong piso ang kanilang natanggap na incentive.

Ang mga atleta ay sina Hidilyn Diaz ng weightlifting, Margielyn Didal ng skateboarding at ang mga golfer na sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kay Go.

Nakatanggap din naman ng incentive ang mga nanalo ng silver at bronze me­dals pero ‘di hamak na malaki ang natanggap ng mga gold medalist.

Katulad na lang nitong si Yuka Saso, 17, na ang incentive ay umabot ng P9.3 milyon. Pero hindi tinanggap ni Saso, at maging nina Pagdanganan at Go ang kanilang incentive dahil mawawala ang kanilang amateur status sa golf kapag ginawa nila ito.

Bagkus ay ibinigay nila ang kanilang incentive sa National Golf Association of the Philippines, bilang donasyon, para magamit ito sa national golf program.

Ang matatanggap sana ni Pagdanganan, 20, na nag-aaral at nag­lalaro para sa Arizona Wildcats sa Amerika ay P2.5 mil­yon, samantalang P2 milyon naman sana ang makukuha ni Go, 18, na naglalaro naman para sa Boston College.

Kapag nagpatuloy ang kanilang magandang ipinapakita sa kanilang napiling sport, hindi mala­yong balang araw ay makapaglaro ang tatlo sa professional circuit sa Amerika at sa iba pang parte ng mundo.

Hindi rin malayong manalo sila ng premyong mas malaki pa kaysa sa kanilang ibinigay na donasyon sa NGAP.

Mabuhay kayo!

***

Naglaro lang ng 58 segundo ang 7-footer na sentro ng Iran na si Hamed Haddadi laban sa Team Pilipinas noong nakaraang Huwebes. Pero hindi naging problema ito para sa Iran dahil namayani din sila sa bandang huli sa iskor na 81-73.

Ang susunod na laban ng Team Pilipinas sa FIBA World Cup qualifying ay gagawin ngayong gabi ng Lunes laban sa Qatar. Pero sa telebisyon lang natin mapapanood ang nasabing laban dahil gagawin ito behind closed door.

Ibig sabihin, walang papapasukin na tao sa Araneta Coliseum. Ito ang resulta ng bugbugang nangyari sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia nang maglaban sila sa Philippine Arena.

Inaasahan ng lahat na ang mga mapipiling manla­laro ni coach Yeng Guiao para sa laban sa Qatar ay papayagan ng kanilang mga koponan sa PBA.

Marami ang nagsasabi na dahil sa kasunduan sa pagitan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, PBA at mga koponan sa PBA ay magiging maganda ang tsansa nating makalaro sa World Cup sa susunod na taon sa China.

Harinawa ay hindi magbago ang ihip ng hangin.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More