Una sa Balita

Mabuhay, Jescom!

0 749

Jescom, ang unang naging bahay ng a­king mga awitin.

Apat sa aking mga solo albums ang inilabas ng Jesuit Music Ministry (JMM) ng Jesuit Communications Foundation (Jescom). Sa apat na mga album, tatlo rito ay mga orihinal na komposisyon ang laman. Ang Pasakalye, Medjas, at Noël, isang Christmas album.

Malaki ang utang na loob ko sa Jescom dahil ito ang institusyon na kumupkop sa a­king mga likhang-awit. Na­ging bahagi na ito — sa kanyang 50 taon na biyahe — ng kalipunan ng mga awit ng Jescom. Mabibilang na ang mga ito sa gawa nina Fr. Hontiveros, Fr. Manoling Francisco, Fr. Fruto Ramirez, Fr. Arnel Aquino, Bukas Palad, Hangad, at iba pang mga kompositor. Kaya isang napakala­king karangalan.

Una akong napasama sa album na Something More: Songs for the Skeptics ng Jescom nu’ng 2001. Dito ako nabigyan ng pagkaka­taon na awitin ko ang isa sa mga komposisyon ni Fr. Johnny Go. Isa siyang Heswita na noon ay director ng Jescom. Ipinakilala ni Sen. Risa Hontiveros ang aking album sa kanya, at doon na nagsimula ang a­king relasyon sa Jescom. U­nang inilabas ang Pasakalye.

Inalok ko rin ang aking album na Pa­sakalye sa ibang mga labels noon. Kinatok ko rin ang kanilang mga pintuan. Ngunit tulad nina Jose at Maria na naghahanap noon ng bahay o lugar para sa pagsisilangan kay Hesus, walang pintuang nagbukas, maliban sa Jescom. At mula noon, nagkaroon ng bahay ang aking mga awitin.

Bumagay ang album ko sa Jescom, dahil ang laman ng Pasakalye ay mga kuwento at buhay ng mga ordinaryong tao. Tungkol sa humanidad. Tungkol sa mga taong inaabot ng Jescom sa kanyang pagpapalaganap ng mga mabuting salita ng Diyos. Tungkol sa pagsisilbi sa samba­yanan ng Diyos.

Ngayon ay ika-50 taong anibersaryo ng Jescom sa paglikha ng mga awitin. Sa konsiyerto noong Sabado, naitanghal muli ang mga awiting inaawit natin sa misa, at mga pumukaw sa ating damdamin at kaisipan at nagpaigting sa pananampalataya ng maraming mamamayang Pilipino.

Tinadhana siguro ng Panginoon na ako ay mapadpad sa Jescom. Kaya maraming mara­ming salamat, Jescom, sa pagkupkop sa akin. Sa maraming pagkakataon. Sa maraming oportunidad na bumukas, at sa pagpapatibay ng aking pananampalataya sa Diyos.

Mabuhay ang Jescom! Maligayang ika-50 taong anibersaryo!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy