Una sa Balita

Mabahong manukan sa Bulacan inaksyunan

By
0 5

Inaksiyunan na ng provincial government ng Bulacan ang hinaing ng mga residente sa Bgy. Bonga Mayor sa bayan ng Bustos na nilusob ng sanlaksang langaw bu­nga ng mabahong polusyon dulot ng isang manukan matapos magpalabas ng direktiba ang gobernador ng probinsya.

Ayon kay Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, pinakilos na niya ang tanggapan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) at kinausap na din niya si Mayor Arnel Mendoza ng ba­yan ng Bustos upang aksiyunan ang nakababahalang problema, linisin ang lugar at matiyak na maaaksiyunan ito.

Nakumpirmang ang pinanggagalingan ng sangkaterbang langaw na pumapasok sa mga kabahayan ng Bgy. Bonga Mayor, Bustos ay mula sa manukan ng Bgy. Tibagan ng nasabi ring bayan kung saan nakasalalay ang kalusugan ng mga apektadong residente dahil pati ang kanilang kinakain ay may langaw.

Ayon kay Alvarado, nakakahiya ang pangyayaring isang lugar sa Bulacan ay nilusob ng isang sandamakmak na langaw at kung kinakailangang ipasara kaagad ang nasabing manukan ay ipasara kaagad ito hanggang wala pa umanong nagkakasakit ng malubha.