Una sa Balita

Mabagal na internet dapat ideklarang national emergency

0 248

ISANG panukalang batas ang inihain ni Albay Rep. Joey Salceda na naglalayong ideklarang ‘national emergency’ ang mabagal na internet sa bansa.

Layunin nito na bigyan ng ‘emergency powers’ si Pangulong Duterte sa loob ng dalawang taon para tugunan at masolusyunan ang matagal nang kalbaryo ng publiko sa mabagal na internet service.

Sa ilalim ng House Bill 9161, ang ‘Internet Speed and Connectivity Emergency Act of 2019,’ bibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na gawin ang mga dapat na hakbang na hindi haharangin ng anumang umiiral na batas o mga panuntunan para kaagad malutas ang problema sa mabagal na internet.

Itinuturing ito na “isa sa mga nakaambang bagyong didiskaril sa pagsulong ng bansa,” kasama ang suliranin sa tubig at kuryente.

Naniniwala si Salceda na sa pamamagitan ng ‘emergency powers’ ay maiaayos ng Pa­ngulo ang mga regulas­yon sa pagtatatag ng mga imprastraktura at cell site na akma sa dami ng populas­yon at likas na geography ng bansa, at pagtugmain ang mga proyekto sa komunikasyon ng pambansa at mga lokal na pamahalaan.

Panukala din ng HB 9161 na pagbawalan ang mga korte na maglabas ng mga Temporary Restraining Order at Preliminary Injunction laban sa gobyerno kaugnay sa mga clearance, right of way at project site na napagpasyahan ng crisis manager, pati na ang pagbili ng mga connectivity project, serbisyo ng mga consultant at iba pang mga panga­ngailangan. Kasama rin dito ang agarang pagsasakatuparan ng common tower policy para mapabilis ang napakahalagang communications connectivity.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy