Una sa Balita

Mababang resulta ng PISA 2018, K to 12 dapat nang suriin

0 512

Dahil sa mababang marka ng mga Pilipinong mag-aaral sa Reading Comprehension, Science at Math sa pinaka huling global survey na Programme for International ­Student Assessment o PISA 2018 na inilabas noong nakaraang taon, panahon na para matulungan nating maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nakakadismaya at ­nakakalungkot ang naturang resulta ­dahil pinakamababa ang mga 15 taong na ­gulang na­ting mag-aaral sa ­Reading Comprehension sa 79 na bansa sa buong mundo. Pangalawang pinaka mababa naman tayo sa Science at Math.

Sa susunod na taon (2021) ay sasabak tayong muli sa naturang pagsasanay o global survey. Kaya hinihimok ko ang Department of Education o DepEd na paigtingin ang pagreporma sa kurikulum ng K to 12 upang ­mapabuti ang ­kalagayan ng mga estudyante ­pagdating sa eskuwela.

Kung hindi tayo magsasagawa ng mga reporma bago kumuha ang mga mag-aaral ng PISA sa 2021, tiyak na walang magiging pagbabago sa mga markang lumabas noong 2018.

Naniniwala ako na ang pagpapalakas sa kurikulum at ­pagresolba sa mga problemang kinakaharap nito, ­tulad ng pagkakaroon ng siksik o ‘congested’ na kurikulum, ang pinaka-epektibong maaari nating gawin upang masiguro na makakapagturo nang mahusay ang ating mga guro at lubos na maiintindihan ng mga mag-aaral ang itinuturo sa kanila.

Ang posibleng epekto kasi ng isang ‘congested’ na kurikulum ay kapag nakompromiso ang ­kalidad ng ­pagtuturo ng mga guro na ­maaaring magbigay ng ­kalituhan sa pag-unawa ng mga ­estudyante sa mga ­aralin. Kapag nangyari ito, hindi kasiguruhan na mapapabuti ang magiging ­resulta ng pagsasanay ng mga bata kapag sumabak ulit ang bansa sa PISA 2021.

Dahil rito, naghain ang inyong lingkod ng isang resolusyon na magpapatawag ng pagdinig para suriing mabuti ang hindi naging magandang resulta ng PISA 2018 at masuri na rin ang kabuuang sistema ng edukasyon sa bansa.

Sa gagawing pagdinig, layunin nating ihanay ang mga panukalang batas sa programang “Sulong EduKalidad” ng DepEd. Sa ilalim ng programang ito ay ­inaasahan nating mas tututukan ng DepEd ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa.

Para sa kamalayan ng lahat, hangarin ng “­Sulong EduKalidad” ang pagtutok sa pagsasaayos sa kurikulum ng K to 12, pag-angat sa ­learning environment ng mga mag-aaral, paglinang sa kakayahan ng mga guro at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga sektor.

Kaya kung dati ay “access to education” lamang ang layon ng DepEd, ngayon ­bibigyang prayoridad na ng departamento ang makamit ang dekalidad na edukasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More