Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Maari bang ma-extend ang US visitor visa?

0 129

Malapit nang matapos ang pananatili ko sa Estados Unidos na na-extend dahil sa cancelation ng flight bunga ng Covid-19. Ang unang plano ko ay tatlong buwan lamang, pero lumawig pa dahil sa kakahanap ng alternatibong flight pauwi. Ang inalok sa akin ng United Airlines, na orihinal kong pinagbilhan ng ticket, ay palitan ang ruta ko ng isang 62-hour flight na iikot (mula sa Orlando) sa Los Angeles, patungong Hawaii, dadaan ng Guam at saka darating sa Manila. Hindi ko tinanggap ang alternatibong ruta dahil bukod sa napakalayo, maigsi ang mga oras ng lay-over (tiyak na tatakbo ka sa airport sa bawat lay-over) at malaki ang tsansang maiwan ka ng eroplano kapag nagkaroon ng delay sa isa man sa titigilan mong airport.

Ganoon nga ang nangyari sa aking kaibigan na kinuha ang flight na ito. Na-stranded siya sa Hawaii dahil na-delay ng dalawang oras ang flight niya sa Chicago patungong Hawaii (galing naman siya sa Kentucky). Inabot tuloy siya ng mahigit tatlong araw bago nakauwi ng Pilipinas. Mayroon pang quarantine na limang araw, kaya’t halos maiyak na siya sa tagal ng panahon at hirap bago niya nakita ang kanyang pamilya.

Pinili ko nang umuwi ng Disyembre sa pag-aakalang mas maluwag na ang quarantine requirements sa Pilipinas. Nakakuha rin ako ng direct flight ng Philippine Airlines sa Los Angeles. Akala ko ay plantsado na ang lahat. At biglang dumating ang Omicron variant ng Covid-19.

Nag-alala ako na baka pagdating ng araw ng pag-uwi ko ay iba na ang sitwasyon ng quarantine para sa manggagaling sa Estados Unidos. Ganito rin ang pag-aalala ng iba pa nating mga kababayang Pilipino na nagpunta rin dito at binigyan lamang ng US Immigration ng hanggang 180 araw o anim na buwan para manatili sa Amerika.

Ayon sa website ng path2usa.com na ibinahagi ng isang kaibigang abogado, ang non-immigrant US visa para sa mga papasok sa Amerika para sa business (B-1) o para sa pleasure/medical treatment (B-2) ay kadalasang ibinibigay ng hanggang 6 na buwan lamang. Pero maaari ring ma-extend ng dagdag na 6 na buwan depende kung papayagan ng US Citizenship and Immigration Services o USCIS.

Kailangan lamang na mag-request sa USCIS sa pamamagitan ng Form I-539 o Application to Extend/Change Non-Immigrant Status bago mag-expire ang panahon ng pananatili sa Amerika. Kailangan lamang na mag-apply 45 araw bago mag-expire ang iyong otorisasyon para manatili sa bansa. Kapag kasi hindi ka umuwi sa takdang panahon, maaari kang ma-deport at hindi na pababaliking muli sa Amerika.

Maaari kang mag-apply ng extension kung may lehitimo kang rason para sa iyong request sa ilalim ng visa category, nakapasok ka sa US hawak ang non-immigrant visa na valid pa, ang passport mor in ay valid pa hanggang sa iyong request for extension, wala kang krimeng nagawa sa Amerika, at may ebidensiya ka ng suportang pinansiyal para makapanatili sa Amerika.

Puwede pumunta sa opisina ng USCIS o mag-apply online at i-accomplish ang I-539 form. Kailangan ding i-upload ang mga supporting documents tulad ng cover letter request, pruweba ng financial support, at kopya ng iyong return ticket na pruweba ng iyong intensiyon na pansamantalang manatili sa Amerika. Kailangan ding magbayad ng visitor visa extension fee na $370, at maaari ring singilin ka ng dagdag na $85 para sa biometrics depende sa tipo ng iyong visa. May kopya rin dapat na I-94 na isusumite.

Kapag nai-file na ang visa extension, papadalhan ka ng USCIS ng receipt number o case number. Bibigyan ka rin ng biometrics appointment. Kapag pinayagan kang manatili, maaari kang bigyan ng 240 araw makaraan ang expiration date ng iyong I-94.

Kung inabutan ka ng lockdown at wala nang pag-asa para sa extension, magtungo na sa pinakamalapit na Philippine Embassy o konsulado para matulungan kang makauwi ng Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.