Una sa Balita

Maamo ang pangarap kay Michele Gumabao

By
0 1,482

ISA sa mga pinakasikat na volleyball player ngayon sa bansa ay si Michele Gumabao na nag­laro sa kaka-kampeon pa lang na Creamline Cool Smashers sa 2nd Season ng Premier Volleyball League.

Si Michele Therese Imperial Gumabao o mas kilala bilang Michele Gumabao ay produkto ng De La Salle University (DLSU) at nakapaglaro ng apat na season ng UAAP mula season 72 hanggang 75 at dalawang beses na­ging best blocker at noong season 75 ay naging Finals MVP.

Nahilig sa paglalaro ng volleyball si Gumabao noong siya’y nasa grade school pa lang at malaki ang naging impluwensiya ng kanyang pamilya sa paglalaro niya ng volleyball.

“Nung grade school, both of my sisters, actually everybody in my family mahilig sa volleyball. Lahat kaming magkakapatid ay naglalaro. So, ‘yung dalawang ate ko sa kanila talaga ako natuto, sa kanila ako nagstart mag-volleyball,” ani Michele.

Sinabi rin nito na palagi siyang niyaya ng kanyang mga kapatid sa mga village game pero noong nasa kolehiyo na siya talagang nagsanay ng seryoso at kay coach Ramil de Jesus talaga siya lumago.

Bukod sa pagiging volleyball player ay isa ring beauty queen si Michele, hawak sa kasalukuyan ang titulong Bb. Pilipinas Globe.

Hindi naiwasan ng Abante/Abante Tonite na tanungin kung ano naging paghahanda niya sa pagsabak niya sa isang international pageant.

“Siguro you have to know what kind of workout you’re gonna do, what diet you’re gonna take and what kind of priorities you’re gonna set. I prioritize eating less food, less calories, iba lang talaga yung preparation in terms of physical, but mental, spiritual it’s all the same, emotional same lang ang preparation, physical lang talaga nagkakaiba,” dagdag niya.

Inamin din niya na hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda niya para sa Ms. Globe at hindi aniya kailangang pagsabayin ang pagla­laro sa pagiging beauty queen.

“Hindi naman kailangan pero as of now, tuloy-tuloy parin ang preparations namin for Ms. Globe. Pero the competition is not until October and November,” saad nito.

Sinabi rin nito na kahit busy siya sa paghahanda ay nasa hubog parin siya ng paglalalaro ng volleyball para kanyang mother club at tsaka na lang niya poproblemahin kapag nagkasabay kanyang dalawang commitment. (Fergus Josue, Jr.)