Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lupang kinain ng road widening, dapat bang bayaran?

0 418

Magandang araw, Mga Kakampi!

Naririto ang tanong na ating natanggap sa ating Free Legal Helpdesk tungkol sa lupa na kinain ng road widening. Naririto ang kanyang tanong:

May road widening nagaganap sa barangay namin. Mababawasan ang lupa na pag-aari namin gaya ng carwash ng anak, yung entrance at pader ng aming maliit na property at yung corner lot namin. May compensation ba kami makukuha sa gobyerno at paano ito mababayaran. May titulo ang mga properties namin. Salamat sa tulong na maibabahagi mo sa akin. Mabuhay kayo sa serbisyong ginagawa nyo. Maraming salamat ulit.

Nang mabasa ko ang sulat na ito, naalala ko tuloy ang isang sitwasyon kung saan nagtayo ang pamahalaan ng airport sa isang lugar sa ating bansa.

Ngunit hindi pala nabayaran ng pamahalaan ang may-ari ng lupa. Ang ginawa ng may-ari, naglagay siya ng mga truck sa runway at hindi niya ito inalis hanggang hindi siya nabayaran para sa kanyang lupain na tinayuan ng airport.

Para na rin sa kaalaman ng ating mga mambabasa, ang katanungang ating natanggap ay tumutukoy sa tinatawag nating “power of eminent domain” o kapangyarihan ng gobyerno na kunin ang isang pribadong ari-arian.

Ngunit hindi ito basta-basta puwedeng gawin ng ating gobyerno. Nakasaad sa Article III, Section 9 ng ating Konstitusyon na ang pribadong pagmamay-ari ay bawal kunin ng gobyerno nang walang sapat na kabayaran o tinatawag na just compensation.

May ilang kondisyon din para mangyari ang “power of eminent domain”. Una, kailangang may totoong pangangailangan para kunin ang ari-arian. Pangalawa, ito’y dapat gamitin ng publiko. Pangatlo, kailangang may just compensation at ikaapat, ang pagkuha ay dapat sumunod sa proseso ng batas.

Dahil dito, kayo bilang may-ari ng isang ari-arian na kailangang kunin ng gobyerno para magawa ang proyekto nito, ay may karapatang makatanggap ng just compensation.

Related Posts

Kung lokal na pamahalaan ang gagamit ng “power of eminent domain”, kailangang ayon ito sa Section 19 ng RA 7160. Isa sa mga requirement ng batas na ito, kailangang may malinaw na alok ang LGU sa may-ari ng ari-arian.

Kapag tumanggi ang may-ari sa alok na ito, maaaring magsampa ang lokal na pamahalaan ng tinatawag na expropriation proceedings sa korte.

Ang expropriation proceeding ay isang legal na proseso upang malaman ang tamang halaga na dapat ibigay ng gobyerno sa inyo kapalit ng inyong ari-arian.

Pagkatapos malaman ang tamang halaga, ipinag-uutos ng korte na kunin na ng lokal na pamahalaan ang inyong ari-arian at kayo ay makakatanggap na ng just compensation.

Ang halaga ng compensation na maaaring hingin ay ang kabuuang halaga ng current market value ng lupa, replacement cost ng mga istraktura at improvements na itinayo sa lupa; at current market value ng mga puno at bunga sa lupa.

Kung nagsimula na ang pagpapatayo ng kalsada at wala kang nakuhang abiso mula sa korte, maaari kang humingi ng tulong mula sa abogado para makilahok sa expropriation proceedings sa Regional Trial Court na may sakop sa iyong lupain.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.