Una sa Balita

Lupa sinangla sa bangko

0 371

LET’S CLEAR IT
Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,

Magandang hapon po. Ako po ay si Henry ng Taytay, Bacolod City.

Ang lupang tinitirahan namin ay isang compound na halos kulang-kulang 3 hektarya mula sa angkan ng mga kapatid ng a­king bi­yenan. Ito po ay isinangla ng kapatid sa bangko na halos 15 years na ang nakakaraan sa pamamagitan ng pagpalsipika ng pirma ng mga kapatid n’ya at tumakas papuntang ibang bansa hanggang ito ay maremata na.

Ang aking katanu­ngan ay nais po naming humingi ng isang payo na aming magagamit sa pakikipag-usap sa bangko para bilhin ang lupa na tinitirikan ng aming tahanan at ilang parte, dahil sa nangagamba po kami na baka isang araw ay may dumating na notice mula sa bangko o baka isang araw may tao na dumating at kami po ay paalisin na.

Umaasa sa iyong payo,

Henry

Henry,

Maganda sana ang laban ninyo na ma-question ang sinasabi mong sanglaan kung totoong napeke ang pirma ang ilang co-owners.

Ngunit dahil sa tinulugan ninyo ang karapatan ninyo na mapawalang bisa ang sanglaan ay hindi na ninyo iyan mahahabol pa dahil lalabas na ang pangsangla ay pinayagan din ng iba pang mga may-ari ng lupa.

Ang gagawin na lamang ninyo ay puntahan ninyo muna ang Register of Deeds kung saan nakarehistro ang lupa at alamin kung ano ba ang status ng titulo ng kamag-anak ninyo. Kapag lumabas na sa bangko na nakapangalan ay talagang walang duda na naubos na ang panahon na tubusin ito mula sa bangko. Kaya ko ito sinasabi ay baka wala pa namang foreclosure na nangyari at maaari pa ninyong habulin.

Kung wala nang pag-asa dahil sa nakapa­ngalan na sa bangko ang titulo ng lupa ay puntahan na lamang ninyo at kayo ang mag-offer to buy. Alamin ninyo ang scheme of payment kung paano, ngunit kadalasan kasi ay nais ng bangko ng full payment at hindi hulugan na nais sana ninyo.

Ang bangko naman ay maraming pamamaraan kung nais nitong ibenta ang isang asset. Baka sila ay pumayag sa plano ninyo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 922-0245/410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy