Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lunas sa hagupit ng pandemya

0 271

Magdadalawang taon na mula ng ideklara bilang isang pandemya ang COVID-19. Noong magsimula ang pandemya ng taong 2020, maraming bansa ang nag-lockdown para maiwasan ang pagkalat ng virus. Maswerte ang nakapagpatuloy ng kanilang negosyo o pinagkakakitaan sa kabila ng mga malawakang lockdowns. Pero mas marami ang lubos na naapektuhan. Nagsara ang maraming maliliit na negosyo at milyun-milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Alam nating ang mga Pilipino ay hindi papadaig sa kahit anong pagsubok. Marami ang nakahanap ng LUNAS sa kabila ng paghina ng kanilang kita o kawalan ng trabaho. Sila ang bibigyang pugay natin sa espasyong ito ngayong linggo para makapagbigay pag-asa sa ating mga kababayan na naghahanap ng LUNAS sa kanilang mga problema sa araw-araw.

Isa sa hindi nagpadaig sa pandemya ay si Angeline Reonisto na isang caddy sa Villamor Golf Club. Nang magkaroon ng lockdown, si Angeline at ang kanyang mister ay parehong nawalan ng trabaho. Hindi napanghinaan ng loob si Angeline. Bilang LUNAS sa kanilang problema, nagbenta siya ng sari-saring produkto online, tulad ng ginawa ng marami nating kababayan.

Si Johnmar Durias naman ay nahinto sa pagiging driver sa Ilocos Norte. Sa halip na mamalimos o umasa sa iba, nagawan ng paraan ni Johnmar na magtinda ng karneng manok kahit pa sa bandang highway na malapit sa kanilang barangay sa Nangalisan.

Si Mang Nestor Ramos naman na truck driver sa Cagayan de Oro ay nawalan din ng trabaho. Kahit anong pagkakakitaan, basta’t marangal ay sinubukan ni Mang Nestor. Maging ang magtulak ng kariton sa palengke ay naging LUNAS niya para hindi magutom ang kanyang pamilya.

Dati rati ay maganda ang income ni Alejandro Kenja bilang welder sa bayan ng San Nicolas sa Ilocos Norte. Halos wala ng naiuuwi si Alejando sa kanyang pamilya noong kasagsagan ng pandemya. Para may maipanggastos sa araw-araw, namasada siya bilang tricycle driver.

Dahil ang industriya ng turismo ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng pandemya, humina rin ang kita ni Jerimae Obra na isang executive assistant sa isang tourism-related business sa Camiling, La Union. Sa halip na magmukmok, sinimulan ni Jerimae ang pagiging online seller sa pamamagitan ng pagtitinda ng kanyang mga damit.

Kung iisipin, ang trabaho ni Francis Lopez na bike mechanic ay patok sa gitna ng pandemya, lalo pa’t marami ang natutong magbiskileta dahil sa kakulangan ng transportasyon noong may lockdown. Pero may panahon na nagkapatong-patong ang hindi nabayarang bill sa kuryente at upa sa bahay ni Francis. Simple lang ang naging LUNAS niya: Nagsipag pa siya lalo at kumuha ng maraming sideline para makabayad sa kanyang mga utang.

Marahil ay may mga kaibigan ka na ang LUNAS sa pinsalang dala ng pandemya ay ang pagtitinda ng mga lutong pagkain, o kaya naman ay naging delivery rider. Ang mga dati namang pumapasok sa opisina ay natutong mag-adjust sa work-from-home setup.

Ilan lamang ‘yan sa mga paraan kung paano naka-survive ang ating mga kababayan sa hagupit ng pandemya.

Sila ang mga kababayan natin na hindi nagpatalo sa hamon ng kahirapan. Hindi sila nawalan ng pag-asa. Nanatili silang matatag sa gitna ng krisis para sa kanilang mga

mahal sa buhay.

Sana ay magsilbi silang inspirasyon sa atin. Patunay ang kanilang mga pinagdaanan na sa bawa’t problema, may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.