Una sa Balita

Lumambot si Thurman

0 322

Nagbago ang ihip ng hangin matapos yumuko si dating undefeated Ame­rican Keith Thurman at mapasa-kamay ni Manny­ Pacquiao ang WBA welterweight title kasunod ng 12-round split decision win ng ating Pinoy boxing idol nitong Linggo sa kanilang champion­ship bout sa MGM Grand sa Las Vegas.

Kung nitong mga nagdaang linggo ay paulit-ulit niyang ipinagyayabang na pagrereteruhin na niya ang nag-iisang eight-division champion ng mundo sa boksing, aba’y lumambot ito pagkatapos ng laban at aminadong talo kay Pacquiao.

Dati ay ‘ipapako daw sa krus’ ni Thurman si Pacquiao, pero pagkatapos ng laban, aba’y pinupuri na niya ang karibal.

“I’ve always said I’m not afraid to let my 0 go, if you can beat me — beat me. @MannyPacquiao beat me tonight. Hats off to the Senator on a great performance,” tweet nito.

Sabagay, alam naman natin na ang mga trash talking ay bahagi ng anumang labanan.

Kumbaga, sinusubukan ng isa na durugin ang iyong kumpiyansa bago dumating ang araw ng pagtutuos.

Pero hindi umubra ang mga boladas ni Thurman, unang round pa lang ay knockdown na siya.

Bagama’t bumawi ito sa second half ng 12-round fight, hindi sapat ito para mapanatili ang dating malinis na karta pati ang kanyang WBA belt.

Congrats po Senator Manny. Salamat sa pagbibigay ng panibagong karangalan sa mahal nating Pilipinas.

Pero katulad ng maraming Pinoy, oras na siguro upang ikaw ay magretiro. Labis-labis na ang nagawa mo para sa bayan at sa sports na boksing.

Panahon na po para mag-pokus sa iyong asawa at mga anak pati sa iyong pagseserbisyo-publiko bilang senador.
Mas masarap magretiro na isang kampeon!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy