Una sa Balita

Lumalakas na pakikipagtulungan sa isang taon ng ‘Metro Laylayan’

By
0 607

Simula sa Caloocan, umabot na sa Tanay ang ‘Metro Laylayan’. Matapos ang isang taon, napakaraming pamilya at komunidad na ang naabot ng isa pang anti-poverty program ni VP Leni Robredo.

Napakarami kong kuwento tungkol sa A­ngat Buhay at kung paano natin pilit inaabot ang mga nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga bayan sa ating bansa. Alam niyo rin ang Istorya ng Pag-asa na sinimulan din ng Office of the Vice President. Sa pamumuno ni VP Leni, andiyan din ang Metro Laylayan.

Nitong linggo, ipinagdiwang natin ang unang anibersaryo ng programa ni VP Leni na naglalayong tulungan ang mga nasa laylayan dito sa Metro Manila.

Hirap man sa budget, patuloy tayong nanana­lig sa pakikipagtulungan ng ating mga private partner pati na rin ng mga local government unit, para isulong ang pagbabago sa buhay ng maralitang Filipino.

Sa anniversary ce­lebration nitong Miyerkoles, kinuwento ni VP Leni kung paano nagsimula ang proyekto at kung paano hanggang ngayon, patuloy nating tinutulungan ang mga pamilya sa Metro Manila.

“Umpisa naming pinuntahan, Caloocan… hinanap namin iyong pamilya na puwedeng matulungan. Pumunta kami sa bahay nila, binisita namin, nakita namin maraming pa­ngangailangan, mahirap iyong kalagayan, at sinubukang tugunan paisa-isa iyong mga problema. Maliban doon, maliban sa pagbisita ng Amaro family, nag-conduct din tayo ng medical and dental services, at nag-conduct tayo ng jobs fair.”

“Ang naalala ko marami dito–hindi ko na iisa-isahin–iyong mga kasama natin doon sa job fair, hindi lang iyong pag-hire bilang mga empleyado, pero nagsama tayo ng makakatulong para makapagsimula ng mga livelihood programs,” dagdag ni VP Leni.

Ito ang patuloy na ginagawa ni VP Leni sa pamamagitan ng Metro Laylayan. Sa mga pamilyang gipit na gipit ngunit patuloy na nagsisikap, pilit nating nag-aabot ng tulong na maaaring makapagpabago ng kanilang buhay at mapabuti ang kanilang kinabukasan.

Katulad ni nanay Tessie Adorna na isa sa mga beneficiary sa Metro Laylayan sa Marikina noong nakaraang Dis­yembre. Isa siya sa be­neficiary na nakatanggap ng mga grocery na may lamang pagkain at toiletries na magagamit niya sa pang-araw-araw.

Sa tulong ng amin­g mga partner, nabigyan din si nanay Tessie ng tinatawag naming seed fund na kanyang magagamit para makapagsimula ng livelihood, o kaya’y bilang gamit sa pagpagawa ng kanyang bahay.

Binalikan namin si nanay Tessie nitong nakaraang linggo lang para kumustahin. Sa unang tingin agad, mapapansin ang malaking pagkakaiba sa pamumuhay ni nanay.
“Iyong pera po ginamit ko para mapaayos ang bahay namin,” nangingiyak na kuwento ni nanay Tessie.

“Gawa sa kahoy itong amin dati, pero ngayon, kahit papano may semento na. Tamang-tama dahil tag-ulan na, hindi na kami nababasa pati na mga kagamitan namin. Hindi na rin kami madaling magkakasakit.”

Isa lang ang kuwento ni nanay Tessie sa napakarami nating kababa­yan sa Metro Manila hirap sa buhay. Unti-unti, sa tulong ng mga partner mula sa iba’t ibang sektor, nagagawan natin ng paraan na tugunan ang kanilang mga paghihirap at turuan sila kung paano bumangon.

Higit sa lahat, sa pamamagitan ng Metro Laylayan, naipapakita natin sa lahat–beneficiary at partner man–ang kahalagahan ng pakikipagtulungan. Napakalaki ng hamon sa ating mga Filipino, pero sa totoo, walang imposible kung lahat tayo sama-samang pagtatrabahuan ito.

Happy anniversary, Metro Laylayan! Sabi nga ni VP Leni, “iyong tulong namin, hindi nagwawakas [dito]. Kung ano iyong mga tulong na puwede pa naming maibigay sa mga susunod na araw, sa mga susunod na taon, nandito lang kami.”

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.