Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lugaw bahagi ng kulturang Pinoy-NCCA

0 62

Hindi basta-basta pagkain lang ang lugaw, ito ay parte ng kultura ng mga Pilipino na ang lugaw ay isang ‘comfort food’ na paborito ng lahat, mayaman man o mahirap.

Ayon sa post ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), huwag maliitin ang lugaw dahil ito ay hindi lang basta pagkain, sagisag ito ng Kultura natin.

“Ang lugaw ay hindi lang basta pagkain, Sagisag Kultura rin! Abangan ang pagbubukas ng Buwan ng Kalutong Filipino o Filipino Food Month ngayong Abril! –Ang lúgaw para sa batà at maysakít ay bigas na sinaing at maraming tubig. Kayâ sinasabing ang lugaw ay iniluto sa pagmamahal. Sapat ang umuusok sa init na isang mangkok na lúgaw para umampat ng gútom at para pawisan at gisawan ng lagnat ang maysakít. Ngunit ang lúgaw na ginagamit na sabaw o káldo (mula Espanyol na caldo) sa ibang putahe ay may ginisang bawang, sibuyas, at luya. Nilalagyan ito ng pinatuyông bulaklak ng kasubhâ para magkulay dilaw ang sinaing na bigas at binubudburan sa ibabaw ng mga tinadtad na muràng dahon ng sibuyas tagalog”.

Sinabi pa ng NCCA na mabisang gamot din ang lugaw para sa mga nagkakasakit dahil ito ay malambot at kayang lunukin ng kahit sinong pasyente.

Nag-ugat ang isyu ng lugaw sa kasagsagan ng curfew nang hindi papasukin ng mga opisyal ng barangay ang isang delivery rider na may dalang lugaw para ihatid sa bahay.

Nagmamarunong pa si Pez Raymundo, ng Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan habang sinisita ang delivery rider na si Marvin Ignacio na may dalang lugaw at sinabing hindi maituturing na ‘essential food’ ang lugaw hanggang na nag-trending na ang post at nabulabog ang lahat sa ginawa ng barangay official.

Makalipas ang mainit na trending ng lugar sa Semana Santa, humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng Barangay Muzon na pinamumunuan ni Chairman Marciano Gatchalian sa maling inasal ng barangay.

“Ako po’y naririto upang makapag-bigay ng pahayag, paliwanag, at makahingi na rin ng pahumanhin sa ating publiko, są ating kinauukulan, sa mga nakakataas sa ating pamahalaan, lalong-lalo na sa iyo Marvin, muli akong humihingi ng paumanhin, at sa may-ari na rin ng Lugaw Pilipinas,” ayon kay Gatchalian.

Nanindigan si Gatchalian na hindi niya tino-tolerate ang anumang kamalian ng kanyang mga kasamahan sa barangay kaya siya na mismo ang humihingi ng tawad sa ginawa ni Raymundo na iginiit na puyat at pagod lang daw siya kaya hindi na niya alam ang kanyang mga sinasabi.

Sinabi pa ni Chairman Gatchalian na sana ay magsilbing aral ito sa mga barangay officials na malaman ang mga maling nagawa. (Vick Aquino)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.