Una sa Balita

LUCKY 96!

By
0 4

Mahigit sa 96 na mga overseas Filipino worker (OFWs) na pawang biktima nang pagmamaltrato ang dumating kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula sa bansang Kuwait.

Dakong alas-11 ng umaga nang lumapag ang kanilang  sinakyang eroplano na Gulf Air Flight GF-216 na kung saan sinalubong ng mga kawani ng Overseas Welfare Workers Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Yolanda Penaran­da, hepe ng Repatriation Unit ng OWWA sa pamamagitan ni Jesus I. Yabes ng Office of the Underse­cretary for Migrant Workers Affairs ng DFA ay napauwi ang mala­king batch ng mga manggagawang Pilipino mula sa nasabing bansa.

Sinabi ni Penaran­da, ang mga nasabing OFWs ay pawang mga kababaihan na nagtatrabaho bilang domestic helper (DH) sa Kuwait. Ang mga ito ay matagal nang nagpapasaklolo sa gobyerno sa pamamagitan ng repatriation program dahil sa kanilang mga mapapait na karanasan mula sa kanilang mga employer.

Pahayag pa ni Pena­randa, ilang sa mga ito ay tumakas sa kanilang mga employer at hindi pinapasuweldo kayat sila mismo ang kusang umalis sa kani-kanilang mga amo.

Aniya ang 67 OFWS na dumating kahapon ang sinalubong ng kani-kanilang pamilya sa NAIA Terminal 1. Ito ay pawang mga taga-Metro Manila.

08-02-2016-ofw
Distressed OFWs — ‘Home sweet home’ ang 96 manggagawang Filipino na karamihan ay mga babae, na dumating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa bansang Kuwait. Ang mga ito ay tutulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). (Armida D. Rico)

Habang ang 29 OFW ay dinala sa tanggapan ng OWWA sa lungsod ng Pasay dahil sa malalayo ang kanilang probinsiya.

“Mayroon taga-Mindanao, Bacolod, Cagayan, Cebu at Ilo-ilo ito po ay aming ihahatid sa kani-kanilang probinsya at bibigyan naming ng financial support para sa kanilang pamilya,” pahayag pa ni Penaranda.

Aniya ang iba naman ay mananatili ng ilang araw sa halfway house o temporary shelter ng OWWA habang hinihintay ang mga sundo na kanilang mga mahal sa buhay.

Handa naman pagkalooban ng livelihood program ang mga nasabing bilang ng OFWs na sadyang hindi na makakabalik pa sa kanilang trabaho sa abroad upang maitawid sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Idinagdag pa nito na tumagal nang tatlo hanggang apat na buwan ang pagproseso ng mga dokumento ng mga nasabing bilang ng OFWs bago sila napauwi dito sa Pilipinas.

Inaasahan pa ng OWWA na marami pang mga manggagawang Pilipino ang kanilang mapapauwi ng ‘Pinas dahil sa nahihirapan nang magtrabaho sa ibang bansa.