Una sa Balita

LTO tiklop sa implementasyon ng doble plaka

By
0 570

NANGAKO ang Land Transportation Office (LTO) na hindi ipatutupad ang double “metal plates” sa mga motorsiklo.

Sa dayalogo sa Senado, nilinaw ni LTO chief Edgar Galvante sa harap ng mga motorcycle group mas ikinukunsidera nila ang paggamit ng decal, sticker o RFID sa halip na mga metal plates.

Ito ay nang magkaisa ang iba’t ibang motorcycle groups, ma­ging ang dealer at manufacturer ng mga motor at iba pang asosasyon sa pagsasabi ng kanilang hinaing hinggil sa seguridad sa paglalagay ng metal plates sa harapan ng motorsiklo.

Ayon kay Edwin Cua ng Luzon Motorcyclist Federation, magkakaiba ang estilo ng mga motorsiklo kaya’t maging ang paglalagay ng stickers ay kailangan munang pag-aralan dahil ang mga sportsbike aniya ay wala namang espasyo para rito.

“Ang design ng motor talagang sa likod lang ang plaka,” saad ni Cua.

Sinabi ni Jobert Bolanos, taga­pagsalita ng Riders of the Phi­lippines, pabor sila sa posibleng paglalagay ng sticker o decal sa harapan at hindi metal plates kasabay ng pagpuna sa mabigat na mga penalty na isinasaad sa batas.

“Masyadong mabigat ang penalties, halimbawa nawalan ng plaka, there is a possibility na makulong or penalty na P50,000. Very degrading ang punishment,” saad ni Bolanos.

Kinatigan din ito ni Cua sa pagsasabing posible itong maging ugat din ng katiwalian sa mga magpapatupad ng batas.

Sa presentasyon naman ng Motorcycle Development Program Participant Association (MDPPA), iginiit na hindi nila mairerekomenda ang plaka sa harapan ng motorsiklo habang ang malaking plaka sa likod ay mapanganib din dahil posible itong mawasak kung hindi naman lapat sa fender na pinagla­lagyan nito.

Matapos ang dayalogo, na­ngako si Senador JV Ejercito na paaamyendahan ang batas upang mabawasan ang mga mabibigat na parusa habang babantayan ang paggawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) upang matiyak na magiging pabor din ito sa mga rider.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy