Una sa Balita

LTFRB pakisilip ang mga aksidente

0 14

Hindi pa naman grabe ang sitwasyon pero hangga’t maaari ay maaksyunan o masilip na ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago pa man may malagim na sakunang mangyari.

Ang tinutukoy natin ay ang mga insidente ng aksidenteng kinasasangkutan ng mga bumibiyaheng sasakyan hindi lamang sa Metro Manila kundi ma­ging sa iba pang lugar sa bansa.

Noong July 2017 ay 23 katao ang iniulat na sugatan matapos sumalpok sa pader ng isang simbahan sa national highway ng Ilagan City, Isabela ang sinakyan nilang pampasaherong bus. Idinahilan ng drayber na nawalan siya ng kontrol sa manibela habang iniiwasan ang kasalubong na tricycle.

Nasawi naman ang isang truck helper makaraang maipit sa ilalim ng delivery van na rumampa din sa center island sa Greenhills, San Juan City noong buwan ng Setyembre. Katuwiran ng drayber, nawalan siya ng control sa manibela dahil madulas ang kalsada.

Noong nakalipas na buwan din ay isang empleyado ang nasawi makaraang salpukin ng pampasaherong bus ang kanyang motorsiklo sa flyover ng Quezon Avenue sa Quezon City.

Ngayong linggo lamang ay 40 ang sugatan matapos bumagsak at tumagilid ang isang pampasaherong bus sa Alabang viaduct ng South Luzon Expressway. Nawalan din umano ng preno ang bus habang binabagtas ang viaduct.

Kapansin-pansin na ‘nawalan ng kontrol sa manibela’ ang karaniwang idinadahilan ng mga nagmamaneho sa mga sasakyang nasasangkot sa aksidente. Laging ganito ang dahilan ng mga naaaksidenteng motorista.

Sa kaso naman ng aksidente sa national highway ng Iligan City ay bumibiyahe sa kahabaan nito ang isang tricycle kahit bawal silang dumaan sa ganitong uri ng lansangan. Bakit kasi pinababayaan silang sumuway sa batas?