Una sa Balita

LTFRB bahala sa P12 na dagdag pasahe – Palasyo

By ,
0 1,828

Ipinaubaya ng Malacañang sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-aksiyon sa plano ng transport sector na humingi ng dagdag pasahe dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Plano ng mga jeepney driver na humingi ng P12 na minimum na pasahe dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng bagong pagbubuwis.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na trabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpasyahan ang mga ganitong petisyon dahil may mga ahensiyang may sakop sa naturang usapin.

“It’s up to the administrative agencies concerned to rule on these petitions. It’s not the President himself that rules on these petitions. They would have to go to the LTFRB if they want a petition,” ani Roque.

Kaugnay nito, sinabi ng LTFRB na dadaan sa deliberasyon ang anumang petisyon para sa dagdag na pasahe at hindi awtomatikong mayroong pagtataas nito.

“Any fare hike for that matter whether jeep, bus, taxi goes through a process. Hindi po ‘yan agad-agad nagkakaroon ng fare hike.

Nasa 3.2M passengers ang apektado, so very crucial itong hinihinging fare increase, kailangan nating balansehin,” paliwanag ni LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada.

Aminado si Lizada na dadaan sa mahabang diskusyon ang hinihinging pagtaas ng pasahe dahil hindi lamang ang transport sector ang pakikinggan bagkus ang hanay din ng commuters.

Una nang inihayag ng Pasang Masda na nakatakda nilang amyendahan sa susunod na buwan ang kanilang naunang petisyon sa LTFRB.

Noong nakaraang taon ay P10 ang minimum fare hike na isinusulong ng grupo ngunit dahil sa pagpataw ng excise tax na P2.50 kada litro ngayong 2018 na epekto ng TRAIN ay P12 na ang hihilingin nilang pasahe.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy