Una sa Balita

LRT, MRT SABAY PUMALYA

By ,
0 175

Magkasabay na nagkaaberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT) 3 at Light Rail Transit (LRT) 1 kahapon ng umaga.

Dakong alas-5:56 ng madaling-araw nang magkaproblema ang MRT-3 matapos na magkaroon umano ng tinatawag na tracks failure sa pagitan ng Magallanes at Ayala Avenue.

Dahil dito ay nalimitahan lamang ang biyahe ng mga tren mula North Avenue station hanggang Shaw Boulevard Station. Dakong alas-6:32 ng umaga nang maibalik ang normal na operation ng mga tren.

Sinabi ni MRT General Manager Rodolfo Garcia na tumagal ang pag-aayos sa problema sa layong tiyakin na magi­ging ligtas ang mga riles ng MRT-3.

Samantala, nalimitahan din ang biyahe ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) dahil sa problema sa suplay ng kuryente.

Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez, dahil sa malakas na buhos ng ulan mula noong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng madaling-araw ay nagkaproblema ang kable ng kuryente ng LRT sa Baclaran.

Naging limitado lamang ang biyahe ng LRT mula Roosevelt hanggang Gil Puyat mula alas-kuwatro ng madaling-araw hanggang alas-otso ng umaga.

Bunsod ng mga naturang aberya sa MRT at LRT ay naging mahaba ang pila ng mga pasahero na halos inabot ng isa hanggang dalawang oras bago nakasakay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy