Una sa Balita

LRT-2 sinuyod ng truck ng softdrinks

By
0 29

Sugatan ang driver ng isang 18-wheeler truck na puno ng kargang softdrinks matapos na mawalan ng preno at bumangga sa ginagawang poste ng Light Rail Transit (LRT) 2 Extension sa Barangay Mayamot, Antipolo kamakalawa ng gabi.

Dahil sa pangyayari ay nagkanya-kanyang kuha ng mga softdrinks ang residente ng lugar mula sa bumanggang trak at hindi na sila napigilan ng awtoridad sa paghakot.

Isinugod naman sa Amang Rodriguez Medical Center ang driver ng trak na inaalam pa ang pagkakakilanlan matapos na magtamo ng pinsala sa katawan dahil sa lakas ng bangga ng minamanehong sasakyan.

Sa ulat ng Police Community Precinct (PCP) 1 ng Antipolo Philippine National Police (PNP), naganap ang insidente dakong alas-10:40 ng gabi sa eastbound lane ng Marcos Highway sakop ng Barangay Mayamot.

Napag-alaman na patungo sana ang Cogeo ang trak na kargado ng softdrinks nang mawalan umano ng preno ang sasakyan at malakas na bumangga sa poste ng ginagawang LRT-2 extension.

Bago madala sa pagamutan ang drayber, sinabi nito na mas pinili na umano niya ang ibangga ang minamanehong trak sa poste upang wala na siyang madamay na mga motorista lalo na’t puno ng sasakyan ang kalsada nang maganap ang insidente.

Pasado alas-otso na ng umaga nang maialis ang truck sa lugar. Nagawang mailipat sa ibang truck ang natirang softdrinks na hindi nahakot ng mga residente.

Agad na nilinis ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lugar dahil sa nagkalat na mga basag na bote ng softdrinks sa kalsada.