Una sa Balita

LRT-1, 2 MRT-3 walang biyahe sa Semana Santa

0 262

TATLONG mass railway transit sa bansa ang magsusupinde ng biyahe ngayong Semana Santa.

Kabilang sa mga ito ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Sa abiso ng LRT-1, normal ang kanilang operasyon mula Lunes Santo, Abril 15, hanggang Miyerkoles Santo, Abril 17 ngunit titigil ang kanilang operasyon mula Huwebes Santo, Abril 18, hanggang Linggo ng Pagkabuhay, Abril 21.

Sa abiso naman ng LRT-2, suspendido rin ang operasyon nila mula sa Huwebes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Katulad ng LRT-1, normal ang kanilang ope­rasyon ng Lunes Santo hanggang Martes Santo, ngunit magpapatupad sila ng pinaiksing operasyon sa Miyerkoles Santo.

Ayon sa LRTA, ang hu­ling biyahe ng tren mula Santolan sa Pasig City ay alas-siyete nang gabi at alas-7:30 nang gabi naman ang huling biyahe ng tren galing sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila.

Sa ipinalabas na advisory ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), si­mula sa Lunes Santo, Abril 15, hanggang Linggo ng Pagkabuhay ay suspendido ang kanilang ope­rasyon dahil sa annual maintenance shutdown.

Kaugnay nito, magpapakalat ng may 140 Point to Point buses ang MRT-3 sa Mahal na Araw, ma­liban sa Huwebes Santo at Biyernes Santo upang magkaroon ng alternatibong ruta ang kanilang mga suking pasahero.

Magbabalik sa normal ang operasyon ng tatlong mass railway system sa Abril 22, Lunes. ­(Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy