Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lolong kulong sa pinitas na mangga inulan ng biyaya

0 181

Bumuhos ang suporta sa social media para sa isang 80-anyos na lalaki sa Asingan, Pangasinan na ipinakulong at inaresto ng pulisya dahil sa pagpitas ng mangga. Nakalaya na ang matanda.

Ayon sa Asingan PNP, may nagreklamo laban kay Narding Floro ng Barangay Bantog, Asingan, ng nasabing bayan hinggil sa umanoy pamimitas niya ng mangga na ayon sa lolo ay nasa bakuran nila.

Saad sa ulat, inaresto ang lolo nitong nakaraang Huwebes, Enero 13, dahil sa umano’y pagnanakaw ng humigit-kumulang 10 kilo ng mangga.

Ngunit ayon sa matanda, pinasungkit niya ang mga bunga ng puno dahil tanim niya ito, ngunit nasakop lang noong binakuran na ng mga nang-aakusa sa kanya.

“Pinapitas ko ‘yung isang puno ng mangga [na] wala pang 10 kilo. Ang alam ko, sakop namin [‘yung lugar]. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman ‘yun,” depensa ni Floro.

Dagdag ng matanda, kinausap nila ang nagrereklamo at nagboluntaryo na babayaran na lang ang mga kinuhang mangga kaysa pumunta pa sa korte.

Ngunit tumanggi ang nagrereklamo at sinabi kay Floro na dapat magbayad ito nang P6,000 bilang piyansa dahil nabigay na ng 7th Municipal Circuit Trial Court Asingan-San Manuel ang arrest warrant laban sa matanda.

Nang pumutok ang balita ay inulan ng tulong si Floro dahil mali anila ang ginawang pag-aresto rito.

Nabatid na may nagbigay umano ng P6,000 para sa pampiyansa ng lolo, galing umano sa isang pamilya sa Canada na nabalitaan ang nangyari. Pero bago ito, may nagbigay na ng pampiyansa ni Floro, kaya ang huling dumating na P6,000 ay gagamitin na lamang para sa iba pa niyang pangangailangan.

Maging ang mga personalidad na sina Rabiya Mateo, Ryza Cenon, at Kim Atienza ay nagpahayag ng pagnanais na tulungan ang matanda.

Samantala, nakalaya na ang matanda matapos mismong mga pulis umano ang nag-ambag-ambag para makalaya siya.

Sinabi ni P/Lt. Col. Abubakar Mangelen Jr. sa Abante na bukod sa Asingan PNP, nagbigay din ng tulong ang mga pulis mula sa National Capital Region at ilang pribadong grupo.

Nakapagpiyansa na kahapon nang P6,000 si Floro at nakauwi na sa pamilya. (Allan Bergonia/Mark Joven Delantar/Kiko Cueto/Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.