Una sa Balita

Lolo patay sa sunog

By
0 289

ISANG 65-anyos na lolo ang namatay habang sugatan ang dalawang iba pa kabilang ang 7-buwang gulang na sanggol sa naganap na sunog sa Barangay Labangon sa Cebu City kahapon nang madaling-araw dahil umano sa nakasalang at napabayaang pinakuluang tubig.

Kinilala ang nasawing biktima na si Mario Abella, habang sugatan naman ang apo sa tuhod nitong nakilalang si Diego Rafa Telone Derisas at Marlita Telone, 34, pawang residente ng Tres De Abril St., Barangay Laba­ngon ng nabatid na lungsod, na kapwa nagtamo ng first degree burn.

Ayon kay Cebu City Fire Marshal Noel Nelson Ababon, sumiklab ang sunog sa nabatid na lugar dakong alas-2:32 nang madaling-araw at nag-umpisa sa bahay ng pamilya Abella.

Dahil sa gawa sa kahoy at iba pang light material ang mga kabahayan ay mabilis na kumalat ang apoy at mabilis na natupok ang 10 kabahayan bago ito idineklarang fire under control ng mga bumbero.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Cebu City, posibleng ang napabayaang pinapakulong tubig ng nasawing biktima ang dahilan ng sunog, subalit upang makatiyak ay patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon sa insidente.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy