Una sa Balita

Lolo patay sa atraso sa Nueva Ecija

By
0 328

PERSONAL na atraso ang motibo sa nangyaring pagpaslang sa isang 69-anyos na ahente ng lupa kung saan nadamay sa pagkamatay nito ang isang empleyado ng Philippine Postal Corporation, na kasama niyang tricycle driver noong Linggo nang hapon sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Brgy. Calipahan, Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ni P/Supt. Joe Neil Rojo sa tanggapan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez, nakilala ang mga biktima na sina Hermogenes Balagtas Flores, 69, ahente, residente ng Brgy. San Pascual at si Arnold Miranda Castillo, 54, empleyado ng Philpost residente ng Brgy. Sicsican Matanda, kapwa sa bayan ng Talavera, NE.

Nabatid na dakong alas-4:30 nang hapon sakay ang mga biktima ng tricycle na minamaneho ni Castillo patungong hilaga.

Mula sa kanilang likuran ay pinagbabaril ang mga biktima na parehong namatay noon din. Nakuha kay Flores ang isang caliber 38 na nakasukbit sa beywang nito.

Lumilitaw na kasapi si Flores ng ‘Alab Katipunan’,­ isang kilusan na sangkot sa mga usapin sa lupa sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Mabilis na tumakas ang mga salarin na pinaghahanap sa kasalukuyan, habang inaalam pa ng pulisya ang tunay na motibo sa pagpatay sa dalawang biktima.