Una sa Balita

Lolo nakaladkad ng tren

By
0 83

NAWASAK ang minamanehong sasakyan habang sugatan naman ang lolong driver nito nang makaladkad ng tren ng Philippine National Railways (PNR) nang tangkain nitong tumawid pa ng riles habang paparating na ang tren, kamakalawa nang gabi sa may Teresa St., Sta. Mesa, Maynila.

Ligtas na sa kapahamakan ang biktimang nakilalang si Efren Castro, 67-anyos, residente ng naturang lugar, pero nasira ang pulang Mitsubishi Adventure na kanyang minamaneho dahil sa pagkakakaladkad ng tren.

Ayon kay SPO3 Roy Magsino, ng Manila Police District (MPD), pa­sado alas-siyete nang gabi nang maganap ang insidente sa riles ng tren sa Teresa St., sa harapan lamang ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Tinangka umanong itawid ni Castro ang sasakyan sa riles habang paparating ang tren na biyaheng Tutuban pero minalas na abutin ito at makaladkad.

Hindi kaagad naialis sa lugar ang sasakyan at ang nawasak na tren na nagresulta para isarado sa daloy ng trapiko ang kalye.