Una sa Balita

Locsin sa Archbishop: gago!

0 634

Tinawag na ‘moron’ na ang ibig sabihin sa salitang tagalog ay gago, engot o ugok ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Davao Archbishop Romulo Valles matapos na manawagan ito na ipagdasal si Vice President Leni Robredo.

Sa Tweet ni Locsin, lantaran nitong kinastigo at sinasabing isang malaking kahihiyan o ‘disgrace’ sa Simba­hang Katolika si Valles at sinabing dapat itong magpasa­lamat pa kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Say Thank You to the Presidente you moron in a white Mu-Mu. Without him, she’d be stuck with her retarded retinue and ecclesiastical idiots like you,” sabi ni Locsin na kilalang prangka at matalas ang dila lalo na sa social media.

“How did you pass theology? You’re a disgrace to what is supposed to be the world’s most intellectual religion,’ sabi pa nito.

Humingi ng panalangin sa taumbayan si Valles para kay Robredo para magabayan sa bago nitong tungkulin bilang drug czar. Nangako ang bise president na itutulak nito ang zero killing sa kampanya laban sa droga ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Nauna nang nakipagpulong si VP Leni sa mga kinatawan ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Bagama’t wala pang reaksyon mula sa arsobispo, ipinagtanggol naman ito ni Caloocan Bishop Pablo David.

Sa Facebook post nito, sinabi na nakapasa sa theology­ ‘with flying colors’ si Valles.

Aniya, nagtapos ng Bachelor of Arts in Philosophy ang Davao archbishop na may Theology degrees sa St. Francis Xavier regional Major Seminary sa Davao City noong 1972 at 1976 ayon sa pagkakasunod.

Ipinaalala din nito sa DFA secretary na si Valles ay naging propesor ng Theology sa ilang paaralan bago naging arsobispo.

Palaisipan pa rin kay David kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ng kalihim sa panawagan ni Valles.

“Anong mali sa panawagan ni CBCP President Valles at kinailangang ni Sec. Locsin na lagyan ito ng malisya at maglabas ng ‘undiplomatic’ o taklesang pahayag,” sabi ni Bishop David.

“I can only wonder what it was in what the arcbishop­ has said in his request for prayers for VP Leni that deserved such vitriolic and patently undiplomatic remarks from our country’s top diplomat?” tanong pa ni David.

Agad na binura ni Locsin ang mensaheng inilabas sa kanyang tweet. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy