Una sa Balita

Locsin pumalag sa planong Singapore travel ban

0 369

KINONTRA ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., ang plano na magpatupad ng travel ban sa Singapore bunsod ng coronavirus disease-19 ­(COVID-19) outbreak.

Ayon kay Locsin, hindi siya sang-ayon na isama sa travel ban ang ­Singapore dahil mahigpit ang kampanya ng bansang ito para mapigilan ang pagkalat ng virus.

“I will not support a travel ban to & from ASEAN Singapore. A ban should hinge NOT on the incidence & # of infections/fatalities but on the demonstra­ted capability of the state concerned to contain the disease & strictly regulate ingress and egress from its air/sea ports,” tweet ng kalihim nitong Biyernes.

Ang Singapore ay may 58 kumpirmadong COVID-19 patient, 711 kaso ng nagnegatibo, 15 pinalabas ng ospital at 82 na may nakabinbin na resulta ng test.

Nauna rito ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na magsusumite siya ng assessment sa inter-agency task force tungkol sa posibleng pagpapairal ng travel ban sa Singapore.

Nitong Biyernes ay tinanggal na ng gobyerno ang travel ban sa Taiwan, ilang araw matapos na ipairal ito.

Sa ngayon ay umiiral pa rin ang travel ban sa mainland China, Hong Kong at Macau.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More