Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Local transmission kinumpirma ng eksperto! PH balik-higpit sa Delta Variant

0 21

Aasahang magpapatupad muli ng mga paghihigpit sa bansa dahil sa nakaambang panganib mula sa Delta COVID variant.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod na rin ng naitalang mga tinamaan ng mabagsik na Delta variant sa ilang lugar sa bansa.

Sinabi ni Roque na ang isinaalang-alang ni Pangulong Rodrigo Dutere ay ang kaligtasan ng mamamayan kaya ipapatupad ang mga dapat na hakbang at mga pag-iingat.

“Talaga naman pong napatunayan na sa pamamagitan ng sensiya (science) na itong Delta varian­t ay mas nakakahawa at mas nakakamatay. Kaya nga sabi ni Presidente ay baka at ngayon po ay mukhang sigurado na na magbabalik po tayo ng ilang paghihigpit,” ani Roque.

Nakatakda aniyang magpulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong Huwebes, kaya tatalakayin ang mga ipapatupad na mga paghihigpit para masiguro ang kaligtasan laban sa Delta COVID va­riant.

Sinabi ni Roque na mayroon na ring rekomendasyon ang mga eksperto para naman sa naunang resolusyon ng IATF na pagpayag na makalabas ang mga menor de edad at ito ay pag-uusapan sa nakatakdang pulong sa harap ng panganib ng Delta variant.

Samantala, naniniwala ang isang espesyalista sa medisina na mayroon ng local transmission sa bansa ang mabagsik na Delta COVID variant na umaatake ngayon sa ilang bansa sa Asya gaya ng Indonesia, Malaysia at Thailand.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Infectious Disease Specialist Dr. Rontgene Solante na hindi inaalis ang posibilidad na nakapasok na sa bansa ang Delta variant at nakahawa na sa mga komunidad base sa nakita ng Philippine Genome Center.

Ayon aniya sa PGC, may mga kasong nakita ng Delta variant na hindi maiuugnay sa mga umuwing overseas Filipino worker (OFW).

“Well I would speculate that based on cases na na-document ng Philippine Genome Center are there are those cases na hindi related doon sa returning OFWs, so there are what we call local cases,’ ani Solante.

Ito aniya ang nagpatibay sa kanyang paniwala na posibleng mayroong local transmission na ang kinatatakuang mabagsik na virus. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.