Una sa Balita

Lipat-bahay ng Senado; Antipolo o BGC

By
0 9

Pinag-aaralan na ng Senado kung saan maaaring lumipat ng tanggapan – sa mabundok na bahagi ng Antipolo City o sa financial district ng Bonifacio Global City sa Taguig.

Ito ang problema ngayon ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng senate committee on accounts at naatasang magsagawa ng pag-aaral kung saan maaaring lumipat ng opisina ang Senado.

“Napapanahon na para magkaroon ng sariling tahanan ang Senado. Saan kaya mas ligtas at praktikal, sa Antipolo o BGC?” tanong ni Lacson na tila nagpapa-survey sa Twitter.

Makakatipid ng halos isang bilyong piso ang Senado kung sa Antipolo lilipat dahil  nag-donate ang lokal na pamahalaan ng Antipolo ng lupang maaaring pagtayuan ng gusali ng Senado.

Noong Enero ay nagkaroon na ng interes si Lacson sa isang ektaryang lupain ng Navy Village na handang ibenta sa P 90,000 per square meter o kabuuang halagang P900 milyon. 

Ang konstruksyon naman ng gusali ay nasa halagang P2.4 hanggang P4.8 bilyon.

Hindi problema ng Senado ang budget dahil may continuing appropriation ang Senado.

Inirekomenda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang paglipat ng gusali ng Senado sa mas ligtas na lugar dahil ang kasalukuyang tahanan nito sa GSIS complex sa Pasay City ay delikado sa “liquefaction” o paglubog ng lupa gayundin ng tsunami kapag magkaroon ng malakas na lindol sa Metro Manila.