Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Limos o tunay na pagtulong?

0 94

Ano nga ba ang kaibahan ng limos sa tulong?

Para sa isang naghihirap na pamilya, ang limos ay sandaling-sandali lamang sasayad sa kanilang mga kamay at daig pa ang hinipan ng hangin na mauubos agad. Sa kabilang banda, ang tulong para sa isang taong naghihikahos ay maaaring maging daan para may mabago sa kanyang sitwasyon. Kumbaga, ang tulong ay puwedeng maging saklay para makabangon ang isang taong nanghihina na sa kahirapan.

Sa Kamara ay inihain ng grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang P10K Ayuda Bill para sa mga pamilyang dumaranas ng sobrang kahirapan at kagutuman dahil sa pandemya ng COVID-19. Ang P10K ayuda ay malaking tulong para sa isang naghihirap na kababayan dahil puwede na itong maging puhunan para sa isang maliit na negosyo upang umpisahan ang pagbabago sa buhay ng isang pamilya.

Ilan buwan na nang maihain ng grupo ni Cayetano ang naturang panukala ngunit halatang hindi interesado ang liderato ng Kamara dahil hindi man lamang pinag-aksayahan ng panahon na talakayin ang P10K Ayuda Bill nang dinggin ng Kongreso ang Bayanihan 3.

Sa halip na pansinin ang P10K Ayuda Bill, isinulong ng House Committees on Economic Affairs at Social Services na tig-P1K na lamang ang ibigay sa bawat Pilipino sa dalawang tranches. Pero ano ba ang magagawa ng P1K para sa naghihikahos na si Juan dela Cruz? Ang katumbas nito ay limos o ilang araw na pagkain na sasayad sa kanyang nanghahapding sikmura.

Kaya naman tutol si Cayetano sa P1K ayuda na wala namang halos epekto para sa benepisaryo.
Kung seryoso ang gobyerno na tulungan ang mga Pilipino, bigyan naman natin ng dignidad ang tulong na kanilang tatanggapin. Lakipan natin ng pag-asa. Kung P10K ang matatanggap na ayuda, mabibigyan natin ng pag-asa ang mga taong gustong makabawi sa sunod-sunod na dagok na idinulot ng pandemya.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Hindi nga limos ang kailangan ng taumbayan, ayon kay Cayetano dahil ang panahong ito ay maituturing na “extraordinary times” kaya nangangailangan ng “extraordinary measures” para maramdaman ng taumbayan na totoong nariyan ang gobyerno para sa kanila. Kung P1K na naman muli ang ibibigay at dalawang tranches pa, papogi lamang ito para lamang ipakitang eto namimigay ang gobyerno. Katumbas nito ay ang mga sardinas, delata at bigas na ipinamigay nang una tayong ma-lockdown.

Kumbaga, huwag nating pakainin ang taumbayan sa halip bigyan natin sila ng puhunan na puwede nilang palaguin at nang magkaroon sila ng pambili ng pagkain, gamot at pangangailangan para sa araw-araw.

Mismong si Cayetano na ang umaapela sa taumbayan para hindi tuluyang mapatay ng Kamara ang P10K Ayuda Bill. “Ligawan po natin ang ating mga kongresista,” sabi niya. Aniya pa, pwedeng sumulat ang concerned citizens sa kani-kanilang representante sa Kongreso at mga lokal na opisyales para ma-push ang mga ito na iendorso ang 10k Ayuda Bill.

Naniniwala ang dating speaker na hindi kokontrahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P10K Ayuda Bill kung makakalusot ito sa Kongreso dahil malaki ang maitutulong nito sa mga benepisaryo.

Kaya para sa ating mga pinagpipitagang kongresista, pagdesisyunan nyo na po kung ano ba ang gusto nyong ibigay sa naghihikahos na kababayan: limos lamang ba o tunay na pagtulong? Manindigan na po tayo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.