Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Limitadong face-to-face class pinaghahandaan

0 392

Pag-uusapan sa cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unes ang posibleng pagpapahintulot ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang tsansa ng hawaan ng COVID-19, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.

Subalit nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kapag inaprubahan ng Pangulo ang pilot run ng face-to-face classes baka limitado lang ang oras na isasagawa ito kada linggo.

“Hindi naman sinabi na palibhasa face-to-face, `yan po ay 8 hours, 5 days a week,” sabi ni Roque.

“Puwede naman one hour per week, 3 hours per week. Basta meron lang pong kombinasyon ng module, ng computer-aided at saka face-to-face kung kinakailangan makipag-ugnayan sa mga guro,” aniya pa.

Matatandaang sinuspinde ng Pangulo ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling lugar dahil sa bago at mas nakahahawang COVID-19 variant na may presensiya na sa ilang bahagi ng bansa.

“Ngayong nainitindihan na natin ang new variant na ito at mukha namang wala tayong community transmission sa new variant eh bubuhayin muli ang pag-uusap tungkol sa face-to-face (classes),” ani Roque.

Samantala, inihayag naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na kanila nang pinaghahandaan ang mga dapat gawin at mga guideline sa posibleng face-to-face classes.

Aniya, hindi magiging araw-araw ang klase at papayagan lamang ang dalawa hanggang tatlong araw na pasok sa paaralan at ilang oras lamang dapat ang klase. (Prince Golez/SDC/Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.