Una sa Balita

Limang pangunahing iniisip ng mga Filipino

By
0 9

Isang survey ang ginawa ng Pulse Asia tungkol sa pangunahing mga concern ng mga Filipino na nais maaksyunan ng pamahalaan.

Una sa talaan ang pagkontrol sa presyo ng bilihin, pangalawa ang pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa.

Kasama rin ang pag­laban sa kriminalidad, kampanya kontra korap­syon, pagsasaayos ng impraestraktura gaya ng mga sirang kalsada, pagbaha, at iligal na droga.

Sa survey na ginawa mula September 24 hanggang 30, lumabas na madalas mabanggit na urgent national concern ng mga Pinoy ang pangangaila­ngan na kontrolin ang inflation na nasa 50 percent at ang umento sa sahod na nasa 42 percent.

Hindi man ako na-survey ay naniniwala ako sa resulta.

Ang nabanggit na mga prayoridad ng mga kababayan nating na-survey ay siya ring iniisip ko bilang isang ordinaryong mamamayan.

Sa pang-araw-araw nating buhay ay ang presyo ng bilihin talaga ang ating madalas alalahanin, ang madalas nating pinoproblema at kasunod nito ay ang ating kinikita o sahod dahil magkakarugtong ito.

Papaano nga naman natin pagkakasyahin ang ating sahod kung mataas ang bilihin. Ang dalawang bagay na ito ay talagang magkarugtong.

Ang mga sumusunod naman nating iniisip gaya ng pagsugpo sa krimina­lidad, korapsyon, iligal na droga, at pagkumpuni ng mga impraestraktura sa ating komunidad ay mahalaga rin para sa ating lahat dahil araw-araw natin itong hinaharap, katulad sa tuwing tayo ay bumibiyahe papasok sa ating trabaho o sa pagtupad sa kung anuman ang ating gawain.

Ngayong natumbok ng survey ang ilan sa pa­ngunahing mga alalahanin ng ating mga kababayan, magandang panukat ito upang makita ng mga opisyal ng gobyerno kung ano ang dapat nilang bigyang-pansin.

Sa pamamagitan ng resulta ng survey ay magkakaroon sila ng tsansa na maihatid ang tunay na serbisyong hinahanap ng ating mga kababayan.