Una sa Balita

Ligtas ba si VP Leni sa kamay ng PET?

0 1,161

Nasa kamay ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kapalaran ni Vice President Leni Robredo at ng milyon-milyong Filipino na bumoto sa kanya noong nakaraang halalan.

Nito kasing Abril 5, 2018 ay nagsampa ng mosyon ang kampo ni Robredo na kumukuwestiyon sa threshold na pinaiiral ng PET sa recount dahil doble ito kumpara sa 25% thres­hold na ginamit ng Comelec noong 2016 elections.

Ang threshold ay tumutukoy sa minimum amount ng marka sa mga oval na siyang pinagbabasehan ng vote coun­ting machine (VCM) bilang balidong boto.

Sa recount, iginiit ng PET na para maging va­lid vote, kailangang 50% ng oval ang minarkahan ng isang botante. Kaya kung wala pang 50% ang minarkahan sa balota, hindi ito bibilangin sa recount.

Lumalabas na ibinatay ito ng PET sa Rule 43(l) ng 2010 PET Rules of Procedure na siyang nagtakda ng 50% threshold. Minsan na itong ginamit ng Comelec noong 2010 elections pero nang sumunod na eleksiyon ay ibinaba ang threshold na ito.

Ang nakakaalarma sa desisyong ito ng PET ay mag-iiba ang makukuhang resulta ng PET kaysa aktuwal na resulta noong nagdaang eleksiyon.

Hindi ba’t nauna nang naiulat na nababawasan na ng boto sa Camarines Sur ang mismong balwarte ni Robredo sa dalawang linggo ng kasagsagan ng recount.

Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa Bise Presidente para igiit sa PET na maging consistent sa 25% threshold na ipinatupad ng Comelec noong eleksiyon.

Sa katunayan ay nagsumite na ang kanyang mga abogado sa PET ng 2016 elections Random Manual Audit (RMA) Report kung saan nakasaad na ipinatupad ng Comelec ang 25% threshold noong 2016 elections.

Nakapagtataka namang ibinasura ng PET ang mosyon ng Bise Presidente.

Alinsunod sa reso­lusyon ng PET noong Abril 10, 2018, hindi nila puwedeng ituring ang Random Manual Audit Guidelines and Report bilang katibayan na ito ang aktuwal na ginamit na threshold ng Comelec.

Sa desisyong ito, ang mga boto na dating balido sa ilalim ng 25% threshold ay itinuturing na lamang ng mga PET head revisor bilang stray votes.

Ang masama pa nito, gusto pa ng PET na mismong ang Bise Presidente ang mahirapan sa pag-claim sa kanyang mga boto sa halip na ang natalo at naghahabol na kandidato na si Bongbong Marcos.

Ano na ngayon ang mangyayari sa boto ng milyon-milyong Pinoy? Ano na ang magiging kapalaran ng ating Bise Presidente?

Makatarungan bang iasa na lamang natin ito nang buong-buo sa kagustuhan ng PET?