Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ligpitan na

0 85

Kumbaga ay pack-up na mula sa isang job site ang drama ng ilang tauhan at opisyal ng gobyerno na hindi pa nakatali sa mga hawak nilang posisyon.

Katulad na lamang ng bumubuo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na nagsagawa ng kanilang huling meeting nitong May 26,2022.

Ginawa ng IATF ang pulong kasunod ng inaasahang pagtatapos ng termino ng Duterte administration sa susunod na buwan.

Ang IATF ay binuo ng ehekutibo sa pamamagitan ng Executive Order no. 168 na inisyu ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014 para tumugon sa mga nakakahawng sakit sa bansa gaya ng COVID-19.

Layon nitong i-asses, i-monitor, kontrolin ang pagkalat ng kontaminasyon ng lulutang ng ano mang nakakahawang sakit sa bansa.

Ang pinuno ng Department of Health ang tumatayong Chairman ng IATF at miyembro ang lahat ng departamento ng gobyerno , habang ang Philippine National Police ang magpapatupad ng protocols at guidelines, kasama ang lahat ng local government units.

Nasubukan ang tibay at dedikasyon ng IATF nitong pandemya. Sila ang naging punong abala sa lahat ng pagtugon na ginawa ng pamahalaan para malagpasan nating lahat ang hagupit na hatid ng pandemya.

Bagama’t hindi pa natatapos ay unti-unti na tayong nakakabangon mula sa tila bangungot na idinulot nito sa bawat pamilyang Pilipino.

Mapait ang pagtatapos ng isang papel pero bahagi ito ng kanilang sinumpaang tungkulin kaya anuman ang hatol na ibibigay ng susunod na administrasyon ay kanilang susundin.

Kaya naman kaisa tayo sa sumasaludo sa lahat ng bumubuo ng IATF na buong tapang na sumuong sa panganib upang makontrol ang pagkalat ng nakamamatay na sakit na COVID-19.

Alam nating marami sa mga opisyal at tauhan ng AITF ang tinamaan ng COVID pero hindi sila nagpatinag bagkus ay tuluy-tuloy sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin na tumulong na labanan ang COVID upang mailigtas ang bansa sa nasabing virus.

Leave A Reply

Your email address will not be published.