Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lider ng Divisoria market vendor pumalag kay Lacuna

0 160

Mariing pinabulaanan ni Emmanuel Plaza, chairman-Paralegal Services ng Divisoria Public Market Credit Cooperative, ang mga naging paratang ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan laban sa kanya nang kapanayamin ang huli sa Manila Bulletin Hot Seat Online, kamakailan.

Ayon kay Plaza walang kinalaman ang dating mga Mayor ng Manila sa bentahan ng Divisoria market partikular na si Ex-Mayor Mel Lopez na ama ng kasalukuyang tumatakbong alkalde ng Maynila na si Atty. Alex Lopez. Aniya, malinaw na nakalagay sa Deeds of Absolute Sale na sa pagitan nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at George Chua, Chairman ng Festina Holdings Corporation na October 16, 2020 ang naging petsa ng bentahan ng naturang lugar.

Sinabi ni Plaza, na wala rin katotohanan na hindi na pinamamahalaan ng City of Manila ang naturang palengke dahil simula noong 1992 hangang October 2021 mayroon itong Market Master na siyang kinatawan ng city hall upang mamahala t mangolekta ng mga bayad.

Katunayan ang huling nakatalagang market master sa Divi mall ay si supervisor Alexander Villanueva. Nitong October 2021 lamang umalis si Villanueva sa nasabing palengke. Mayroon din sila mga pinanghahawakang mga resibo na kanilang pinagbabayaran dito.

Dagdag pa ni Plaza, na hindi naging advantageous sa lungsod ang pagbebenta ng palengke dahil ayon sa Deeds of Absolute Sale pinagbili ang Divisoria market sa halagang P13,000.00/ square meter.

Napag-alaman na ang mga may-ari ng tindahan nagbabayad ng P8,000.00 sa municipal license at P50/day or 1500/ kada buwan o P18,000.00 kada taon.

Ang kabuuang binabayad ng mga vendor bawat tindahan ay P26,000.00 bawat taon sa city hall.

Ang sukat ng bawat tindahan mayroon 2.25 square meters. Ang ibig sabihin naibenta ang bawat tindahan sa halagang P29,500.00 lamang.

Sinabi pa ni Plaza na ang P26,000.00 na collection ng city hall sa mga manininda taon-taon, pinagpalit sa halagang P29.500.00 na bentahan ng bawat puwesto.

Wala aniyang katotohanan na dumaan sa tamang proseso ang bentahan sa Divisoria Market, dahil hindi nakaroon ng public hearing, hindi rin kinunsulta ang mga vendors sa bentahan ng public market.

At higit na nagtataka ang mga vendors ng Divisoria market nang malaman na dalawa lamang ang pumasok sa nasabing biddings ito ang KMC Realty Corp. at Festina Holdings, Inc., kung saan ang Festina ang pinaboran sa nasabing tawaran.

Nagkabayaran sa city hall noong October 16, 2020 at nalaman lamang ng mga vendors 25 days nang naibenta ang palengke noon November 11, 2020.

Laking pagdududa ng mga vendors ng Divisoria nang sabihin Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na kaya ibinenta ang Divisoria market dahil kailangan ng lungsod ng pera para gamitin sa pandemya.

Ipinahayag pa ni Plaza, na nagawang mangutang ng pamahalaang lungsod ng P15 bilyon at inilaan ang P1.7 bilyon para lang sa pagpapaganda ng Manila Zoo sa panahon ng pandemya.

Nalungkot ang maraming manininda sa naging hakbang ng kasalukuyang administrasyon sa Maynila dahil mas pinahalagahan pa ang mga ‘hayop’ sa Manila Zoo at hindi tinignan ang maraming magugutom na pamilya ng mga vendors sa Divisoria market. (Mina Navarro)

Leave A Reply

Your email address will not be published.