Una sa Balita

Lider ng Antipolo carnap group, 2 pang galamay bulagta

By
0 581

UTAS ang lider ng Antipolo City carnapping/robbery holdup group, kasama ang dalawa pang galamay nito sa engkuwentro sa isang police checkpoint sa kahabaan ng Marcos Highway sakop ng nasabing lungsod kamakalawa nang gabi.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 4-A Director Edward Carranza, napatay ang umano’y lider ng grupo na nakilalang si Rammil Escio alyas Ron-ron, habang inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong kasama.

Sa ulat na ipinadala ng Calabarzon PNP sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-10:30 nang gabi sa kahabaan ng Marcos Highway sakop ng Sitio Painuman, Barangay Inarawan ng lungsod na ito.

Napag-alaman na kasalukuyang nagmamando ng checkpoint ang mga tauhan ng Rizal Highway Patrol Group (HPG) at Antipolo police sa harapan ng Police Community Precint (PCP) 2 sa Barangay Dela Paz nang makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y insidente ng carnapping at robbery hindi kalayuan sa kanilang lugar at isang puting taxi umano ang kinumander ng mga suspek.

Makalipas ang ilang minuto ay napadaan ang nabatid na taxi sa checkpoint na sinubukang parahin ng mga pulis subalit sa halip na huminto ay pinagbabaril pa ang mga pulis dahilan upang magkaroon ng hot pursuit operation at pagsapit sa Barangay Ina­rawan ay napatay ng awtoridad ang tatlong suspek na sakay ng taxi.

Ayon pa kay Carranza, ang grupo ay sangkot sa iba’t ibang krimen hindi lang sa Antipolo kundi sa karatig bayan nito katulad ng gun-for-hire, carnapping, pagbebenta ng iligal na droga at robbery holdup.

Ang grupo rin umano ang nasa likod ng pagpatay sa isang traffic enforcer at bodyguard ng isang punong barangay kamakailan.

Nakuha sa mga suspek ang isang shotgun. Isang kalibre .38 at isang 9 mm na baril na kanilang gi­namit sa panlalaban sa pulisya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy