Una sa Balita

Lider ng Abellana drug group sa Cebu, timbog sa milyong shabu

0 437

ARESTADO ang lider ng Abellana drug goup at dalawa nitong kasamahan matapos ang isinagawang anti-illigal drug operation ng pulis­ya kung saan nakakumpiska ang awtoridad ng aabot sa mahigit P1 milyon halaga ng iligal na droga kahapon nang madaling-araw sa Cebu City.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Archie ‘Bayot’ Abellana, 39, at dalawang kasamahan na sina Marjory Arriesgado, 33 at Lendon­ Gonzaga, 37. Nasa P1,143,352 halaga ng shabu ang nakumpiska sa mga ito.

Base sa ulat ng Pardo Police Station ng Cebu City PNP, dakong alas-3:10 ng madaling-araw nang mahuli ang mga suspek sa isinagawang police operation sa Sunrise Village Brgy. Bulacao Pardo ng nabatid na lungsod.

Ang nadakip na si Abellana ay pinsan na drug lord na si Michael Abellana, na nauna ng naiulat na nagsasagawa ng kanyang iligal drug trade sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Si Archie Abellana ay nauna ng nadakip noong 2017 ng Cebu City Police Office kung saan nakumpis­ka dito ang tinatayang aabot sa P120 milyong shabu.

Sa isinagawa ding greyhound operation sa Cebu City jail noong Agosto 2017, nahulihan din si Archie ng isang cellphone kung saan nakita ang komunikasyon nila ni Michael Abellana, gayundin ang mga drug paraphernalia sa loob ng kanyang selda.

Subalit nakapagpiyansa ito sa kanyang kaso. Nalamang bumalik ito sa dating drug operation hanggang sa muli itong madakip kahapon nang madaling-araw. ­(Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy