Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Libreng testing para sa nangangailangan

0 171

Ngayong linggo, bilang tugon sa pagdami ng kaso ng covid, ibinalik ng opisina ni Leni Robredo ang programang Swab Cab. Isa itong mobile testing facility na puwedeng magpalipat-lipat ng lugar para mapuntahan mismo ang mga nangangailangan ng libreng covid testing.

Kagaya ng ibang mga programa ni Leni, pinagsamang lakas ito ng LGU, pribadong sektor, at napakaraming volunteers. Sa pamamagitan nito, nagagawang tugunan ang pangangailangan kahit kaunti lang ang pondo ng Office of the Vice President. Nagagawa pang magbigay ng ayuda sa mga lumabas na positive ang resulta, para mabawasan na ang kailangang problemahin habang naka-quarantine.

Maalala na matagal nang proyekto ni Leni ang Swab Cab. Pinasimulan niya ito dahil sa napakabagal na pagtugon ng pamahalaan sa kanyang panawagan na magsagawa ng maramihang testing. Sa mga hindi masyadong nauunawaan ang ganitong patakarang pangkalusugan: Mahalaga ang mas testing kasi matutukoy nito kung sino ang talagang kailangang mag-quarantine. Mabibigyan sila ng sapat na suporta, at maiiwasan ang pangangailangan sa malawakang lockdown na nakapipilay sa kabuhayan ng marami nating kababayan.

Ganitong klase ng pamumuno ang kailangan natin sa panahon ngayon. Nakabatay sa siyensiya at aktuwal na pinagdaraanan ng mga Pilipino, planado, at mapagmalasakit. Ganadong tumulong ang mga kayang tumulong. Higit sa lahat, tiwala ang mamamayan kaya handa rin silang makibahagi.

Kahit nga ang mga troll na trabaho na ang siraan si Leni sa social media, hindi mapabulaanan kung gaano kalaki ang naitutulong ng Swab Cab at ng iba pang programa ng kanyang opisina para tugunan ang pandemya. Kaya nauuwi na lamang sila sa pagbabaluktot at pag-iimbento ng mga sinabi ni Leni. Insulto ito sa mga LGU, pribadong sektor, at mga volunteer na itinataya ang sariling kalusugan para makatulong sa mga nag-aalala. Insulto rin ito sa napakaraming Pilipino na nasa alanganing sitwasyon at naghahanap ng kahit anong makababawas man lang sa kanilang mga pinoproblema. Maitatanong nga natin: Bakit kaya sa dinami-rami ng puwedeng gawin ngayong marami ang nagigipit, paninira pa kay Leni ang pinagkakaabalahan ng iba?

Kayo na po, mga giliw kong mambabasa ang mag-isip ng sagot sa tanong na yan. Sa mga troll naman, iiwan ko na lang dito ang isang komento na sa inyo na rin nanggaling: Mabuti pa, tumulong na lang kayo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.