Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Libreng sakay, balik arangkada

0 9

Masayang ibinalita ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ni Sec Art Tugade ang pagbabalik ng matagumpay na “Libreng Sakay” program simula ngayong Lunes, Setyembre 13.

Gamit ang P3 bilyong pondo mula sa General Appropriations Act 2021, muling mabibigyan ng Libreng Sakay ang mga health and medical frontliners, essential workers, at Authorized Persons Outside of Residence (APORs), upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan sa pagbiyahe, habang ginagampanan ang tungkulin laban COVID-19.

Posible ang libreng sakay dahil sa kakambal na programang “Service Conctracting” (SCP) ng LTFRB.

Sa pamamagitan ng Service Contracting Program, ang mga kasaling public utility vehicle operator at mga tsuper ay bibiyahe sa kanilang takdang ruta para maghatid ng mga APORs. May sakay man o wala, babayaran ang mga kasali ayon sa bilang ng pasada nila kada linggo.

Matatandaan na tumigil ang SCP dahil sa nag-expire ang Bayanihan to Recover as One Act (RA11494) noong June 30.

Sa SCP Phase 1, binigyan ang mga operator ng P6,500 bawat sasakyang tumakbo bilang tulong sa lumiit na kita dahil sa pagpapatupad ng safety protocols.

Ang mga kasaling driver ay tumanggap P20,000~P25,000 bilang one-time incentive. May dagdag na P7,000 kung naka log-in sa Systems app ng 5 araw kada linggo at P11 bawat kilometro sa mga jeepney drivers at P23.10 bawat kilometro sa mga bus drivers.

Umabot ng 31.6 milyong pasahero ang napagsilbihan ng Libreng Sakay. Halos P1.5 bilyon ang ibinayad ng LTFRB sa mga lumahok, at P3.4 bilyon ang pino-proseso pa mula sa P5.5 bilyon budget mula sa Bayaniyan Act. Ayon sa LTFRB, umabot sa 42,000 ang nagpalista sa Phase 1 ng programa.

“Nandito kami, malugod at masaya kaming inilulunsad ulit ang Service Contracting Program Phase II pagkat ito ay mabuti sa lahat, mabuti sa sambayanan, mabuti sa ekonomiya, mabuti sa paglago ng negosyo,” buong pagmamalaki ni Sec Tugade.

Pero, kung ang dating Libreng Sakay ay limitado sa Metro Manila, ang Phase 2 ay pinalawak ang coverage sa ibang rehiyon at lugar sa bansa.

Muling hinikayat ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang mga operators at tsuper na makilahok sa Service Contracting Program upang magkaroon sila ng sapat at tuluy-tuloy na kita sa gitna ng pandemya at makapagbigay-serbisyo rin sa mga health workers at APORs.

Para sa mga interesadong PUV operator sa Metro Manila, makipag-ugnayan sa Central Office ng LTFRB. Sa mga operator na taga-probinsiya, makipag-ugnayan sa inyong LTFRB Regional Franchising and Regulatory Offices (RFRO) para sa mga requirements sa pagsali.

Para naman sa mga karagdagang katanungan, tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office – (02) 8529 – 7111 loc 845, loc 837, o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342.

Pero, napasama ang SCP sa na-flagdown ng COA, di ba? Sabi sa report, isang porsyento lang daw ang ginastos ng DOTr sa P5.5 bilyon pondo mula sa Bayanihan Act. Nanggagalaiti noon si Asec Goddes Hope Libiran sa kanilang statement para liwawin ang report ng COA.

Sana naman ay hindi na haluan ng politika ang Libreng Sakay Ph2 para tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo sa mga frontliners at APORS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.