Libreng laptop, internet sa bawat mag-aaral

DAPAT maabot ng internet ang bawat barangay at mag-aaral upang mawakasan ang “digital divide” sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian matapos umakyat ang ranggo ng Pilipinas mula 111 patungong 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla.
Dahil karamihan ng mga barangay ay may pampublikong paaralan, iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapatayo ng cell site sa mga paaralan upang matiyak na konektado sa internet ang bawat barangay.
Sa isang pandinig sa Senado noong Nobyembre ay iniulat ng Department of Education (DepEd) na sa 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, halos 3.6 milyon lamang ang konektado sa internet at halos 1.9 milyon ang may sarili nilang laptop.

Balak ding maghain ni Gatchalian ng panukalang batas upang bigyan ng internet allowance at libreng laptop ang bawat mag-aaral.
Sa pag-aaral ng Center for Educational Measurement, halos 60% ng mga mag-aaral na lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang walang access sa mga computer at internet. (Dindo Matining)