LGUs aayuda sa PSC-Pacquiao Cup

By

Nagsanib-puwersa ang 15 Local Government Units (LGUs) para sumuporta sa Philippine Sports Commission (PSC)-Pacquiao Amateur Boxing Cup, na target makadiskubre ng mga bagong talento, isulong hindi lamang sa larangan kundi ang pagtulong sa maraming kabataan.

Inihayag kahapon ni PSC Games Secretariat head Annie Ruiz kasama si Philippine Sports Institute (PSI) coordinator at boxing consultant Roger Fortaleza sa basbas ni PSC Chairman William Ramirez, ang mga takdang petsa at buwan ng pagsasagawaan ng kada linggong torneo sa kapuluan.

‘Nagustuhan nila ang proyekto dahil nakapokus sa mga kabataang hangad na makapag-aral at makapagtapos ng kahit na mababang edukasyon sa pamamagitan ng sports sa tulong ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan. Gusto din nila na makapagdebelop sila ng sarili nilang mga iidolohin pagdating ng panahon,” ani Ruiz.

Bilang tulong sa programa ng PSC kasama ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), unang maghu-host ng preliminaries sa Mindanao si Mayor Ronnel Rivera sa Gen. Santos City), kasunod si Mayor Sally Lee ng Sorsogon City sa Luzon at dating atleta at ngayo’y Ormoc City Mayor Richard Gomez para naman sa Visayas.

Tutulong bilang host sa Mindanao quarterfinals si Mayor Joseph Evangelista ng Kidapawan City habang si Mayor Nicolas Yulo ng Bago City para sa Visayas at si Mayor Roderick Alcala ng Lucena City sa Luzon.

Magdaraos naman ng Mindanao semifinals si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno, Antique Gov. Rodora Cadiao sa Visayas at Pangasinan Gov. Amado Espino III sa Luzon.

Pagdating sa finals, sina Mayor Sara Duterte ng Davao City ang mag­hu-host sa Mindanao, Mayor Nikko Mercado ng Maasin City sa Visayas at Mayor Mauricio Domogan ng Baguio City sa Luzon.

Magkikita ang mga kampeon sa rehiyon sa national championships kung saan host sina Mayor Carmelita Abalos ng Mandaluyong City sa Luzon, Mayor Jon Geesnell Yap ng Tagbilaran City sa Visayas at si Mayor Allan Rellon ng Tagum City sa Mindanao.

SHARE