Una sa Balita

Leyte pinakyaw ang Aliwan Fiesta 2018

By , , , , , ,
0 890

NAGING gabi ng mga “Waray-Waray” nang mapanalunan ng Leyte ang tatlong kampeonatong nakalaan sa 2018 Aliwan Fiesta noong Sabado ng gabi.

Kinoronahan si Chelsea Fernandez ng Sangyaw festival ng Tacloban bilang panibagong Reyna ng Aliwan, habang nakamit naman ng “Tarakluban” ang pri­mero puwesto sa float design. Tinanghal din ang Tribu Buraburon ng Burauen, na siyang kumatawan sa Kasad­yaan festival ng Leyte, bilang kampeon sa streetdance. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sinungkit ng isang lalawigan ang tatlong kampeonato sa iisang labanan.

Sa float design, pumangalawa ang Sinilatan ng Cotabato City, at pangatlo ang Kapasiti ng Shariff Aguak, Ma­guindanao. Mga runner-up naman ang Singkaban ng Malolos, Bulacan; Biton ng Upi, Maguindanao; Bangsa Maguiranun ng Mother Kabuntalan, Maguinda­nao; Tagultol ng Atimonan, Quezon; Abra New Day ng lalawigan ng Abra; Catanauan ng Catanauan, Quezon; at IPI-Sinulog ng Cebu City.

Sa mahigpitang labanan ng streetdance, pumangalawa ang Hubong Mangunguma ng Manggahan festival sa Guimaras, habang ikatlo ang Tribu Panayanon ng Iloilo Dinagyang. Nasa ika-apat na puwesto ang Bugabungan National High School ng Upi, Maguindanao para sa Meguyaya festival at panlima naman ang Tribu Tatusan ng Caluya, Antique, na kumatawan sa Binirayan Festival. Mga runner-up ang Tribu Dangdang-ay ng Abrenian-Kawayan Festival; St. Louis University para sa Panagbenga Festival ng Baguio; Tribu Pandan para sa Pandan Festival ng Pangasinan; Tribu Antatet para sa Bato Art Festival ng Isabela; at ang bayan ng Baco, Oriental Mindoro para sa Pandang Gitab Festival. Sa Abra rin napunta ang parangal sa Best Folkloric Performance (Pride of Place), habang ang Best Costume ay nakuha ng Guimaras, at Best Musical Accompaniment ay napunta rin sa mga taga-Leyte.